Mga Hamon sa Pagsulat sa Larangan ng Wika, Panitikan at Lipunang Pilipino

11
Mga Hamon sa Pagsulat sa Larangan ng Wika, Panitikan at Lipunang Pilipino 1 David Michael M. San Juan Associate Professor, De La Salle University-Manila Public Information Officer, Alliance of Concerned Teachers-Private Schools Direktor, Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF) Convenor, Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) “A luta continua 2 ! Tuloy ang laban! Tuloy ang laban! Laban saan? Saan dapat magpatuloy ang laban? Laban sa rehiyonalismo! Laban sa kamangmangan! Laban sa kawalan ng edukasyon! Laban sa pagsasamantala! Laban sa pamahiin! Laban sa pagdurusa! Laban sa gutom! Laban sa kawalan ng maisusuot! Tuloy ang laban upang balang araw tayong lahat ay maging pantay-pantay! Ang kolonyalismo’y krimen sa sangkatauhan. Walang makataong kolonyalismo. Walang demokratikong kolonyalismo. Walang hindi mapagsamantalang kolonyalismo.” 3 - Samora Moisés Machel 4 1 Lekturang binasa sa “Talaban 2015: Seminar Sa Malikhain at Akademikong Pagsulat” na isinagawa sa Philippine Normal University-Manila. 2 Nangangahulugang “Tuloy ang laban!” 3 Transcript ng pahayag ni Machel na masisipat sa: https://www.youtube.com/watch?v=bvj0Feq5vpI. Ang salin ay batay sa English na subtitles sa nasabing video: “The struggle continues! The struggle continues! The struggle continues! Against what? Against what must the struggle continue? Against tribalism! Against ignorance! Against illiteracy! Against exploitation! Against superstition! Against misery! Against famine! Against lack of clothing! A luta continua so that someday we will all be equal! Colonialism is a crime against humanity. There is no humane colonialism. There is no democratic colonialism. There is no non-exploitative colonialism.” Isinalin bilang “rehiyonalismo” ang “tribalism” sapagkat iyon ang mas litaw na suliranin sa Pilipinas. 4 Si Machel ang unang pangulo ng Mozambique (1975-1986) at lider ng Frente de Libertação de Moçambique/FRELIMO (Mozambique Liberation Front) na nanguna sa pakikibakang antikolonyal ng mga taga- Mozambique laban sa Portugal. Namatay si Machel noong 1986 nang bumagsak ang kanyang eroplanong sinasakyan. May mga naniniwalang pinaslang si Machel ng mga ahente ng imperyalismo (sistema ng direkta o hindi direktang pangingibabaw sa ekonomya, politika, at kultura, ng isang bansa sa iba pang bansang mas mahina sa kanila sa mga aspektong ito) dahil sa kanyang matibay na paninindigang antikolonyal at anti-imperyalista.

Transcript of Mga Hamon sa Pagsulat sa Larangan ng Wika, Panitikan at Lipunang Pilipino

Mga Hamon sa Pagsulat sa Larangan ng

Wika, Panitikan at Lipunang Pilipino1 David Michael M. San Juan

Associate Professor, De La Salle University-Manila

Public Information Officer, Alliance of Concerned Teachers-Private Schools

Direktor, Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF)

Convenor, Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA)

“A luta continua2! Tuloy ang laban! Tuloy ang laban! Laban saan? Saan dapat magpatuloy ang laban? Laban sa rehiyonalismo! Laban sa kamangmangan! Laban sa kawalan ng edukasyon! Laban sa pagsasamantala! Laban sa pamahiin! Laban sa pagdurusa! Laban sa gutom! Laban sa kawalan ng maisusuot! Tuloy ang laban upang balang araw tayong lahat ay

maging pantay-pantay! Ang kolonyalismo’y krimen sa sangkatauhan. Walang makataong kolonyalismo. Walang demokratikong kolonyalismo. Walang hindi mapagsamantalang

kolonyalismo.”3

- Samora Moisés Machel4

1Lekturang binasa sa “Talaban 2015: Seminar Sa Malikhain at Akademikong Pagsulat” na isinagawa sa Philippine

Normal University-Manila.

2 Nangangahulugang “Tuloy ang laban!”

3 Transcript ng pahayag ni Machel na masisipat sa: https://www.youtube.com/watch?v=bvj0Feq5vpI. Ang salin ay

batay sa English na subtitles sa nasabing video: “The struggle continues! The struggle continues! The struggle

continues! Against what? Against what must the struggle continue? Against tribalism! Against ignorance! Against

illiteracy! Against exploitation! Against superstition! Against misery! Against famine! Against lack of clothing! A luta

continua so that someday we will all be equal! Colonialism is a crime against humanity. There is no humane

colonialism. There is no democratic colonialism. There is no non-exploitative colonialism.” Isinalin bilang

“rehiyonalismo” ang “tribalism” sapagkat iyon ang mas litaw na suliranin sa Pilipinas.

4Si Machel ang unang pangulo ng Mozambique (1975-1986) at lider ng Frente de Libertação de

Moçambique/FRELIMO (Mozambique Liberation Front) na nanguna sa pakikibakang antikolonyal ng mga taga-

Mozambique laban sa Portugal. Namatay si Machel noong 1986 nang bumagsak ang kanyang eroplanong

sinasakyan. May mga naniniwalang pinaslang si Machel ng mga ahente ng imperyalismo (sistema ng direkta o hindi

direktang pangingibabaw sa ekonomya, politika, at kultura, ng isang bansa sa iba pang bansang mas mahina sa

kanila sa mga aspektong ito) dahil sa kanyang matibay na paninindigang antikolonyal at anti-imperyalista.

Panimula: Mito ng Globalisasyon Ilang dekada mula nang unang lumaganap mula Mozambique ang panawagang anti-kolonyal ni Samora Moisés Machel, hindi pa rin ganap na malaya sa aspektong kultural, politikal, at ekonomiko ang nakararaming bansang saklaw ng Ikatlong Daigdig o Third World. Deka-dekada pagkatapos ilako ng mga tagasuporta ng globalisasyon ang utopya ng “daigdig na walang hanggahan” o “borderless world,” nananatiling mataas ang mga literal at piguratibong mga bakod na naghihiwalay sa mga bansa, at sa mga mamamayan sa loob ng mga bansa. Ang pangakong kaunlaran para sa lahat ay napatunayang isa lamang mito. Ilang halimbawa ang magpapatunay sa kahungkagan ng mga pangakong napako ng globalisasyon: kailangan pa rin ng visa sa pamamasyal sa maraming bansa; lumalaganap ang karahasan at/o rasismo laban sa mga migranteng manggagawa nasa First World, mula sa Third World; sa halos bawat bansa, maunlad man o mahirap, lalong lumalawak ang agwat ng mayayaman at mahihirap; mas malaking porsyento ng mga umiiral na trabaho ang kontraktwal at/o baratilyo ang pasweldo; tumitindi ang karerang pabaratan ng sahod o race to the bottom ng mga bansa upang maakit ang mga korporasyong transnasyunal na mas mabilis pa sa kisapmatang nakapaglilipat-lipat ng operasyon batay sa kung saan pinakamakapipiga ng pinakamalaking tubo; walang habas ang pagpapatupad ng komodipikasyon ng edukasyon at komodipikasyon mismo ng mga estudyante at mga manggagawa sa ilalim ng mga iskemang naglalayong mabilis na makapagmanupaktura ng mga semi-skillled na manggagawa o propesyunal na madaling mapipilit na magtrabaho sa kondisyong kontraktwal at baratilyong pasahod sapagkat marami rin namang nagsipagtapos ng kolehiyo ang walang trabaho, lalo pa’t hindi pa nareresolba ang krisis na nagsimula noong 2008 sa mga mauunlad na bansa sa Kanluran. Teknikalisasyon at Dehumanisasyon sa Ilalim ng K to 12 Sa Pilipinas, patuloy ang paglalako sa mga mito ng globalisasyon sa pamamagitan ng bulag na pagkopya sa sistemang pang-edukasyon ng nakararaming bansa. Mabilis na ipinasa sa Kongreso at Senado ang Batas Republika 10533 o batas na nagpapatupad sa sistemang Kindergarten to 12 Years of Basic Education (K to 12), sa kabila ng kawalan ng malawakan at demokratikong konsultasyon sa mga apektadong sektor, lalo na sa humigit-kumulang 100,000 propesor, janitor, klerk at iba pang manggagawa sa antas tersyarya. Hindi kataka-takang pitong petisyon na sa Korte Suprema ang isinampa ng mga grupong gaya ng Suspend K to 12 Coalition, Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA), Magdalo Partylist, Suspend K to 12 Alliance, Koalisyong Makabayan5, National Union of People’s Lawyers (NUPL), at Parents-Teachers’ Association ng Manila Science High School, upang kwestyunin ang legalidad at konstitusyonalidad ng K to 12, o kaya’y ng ilang aspekto nito.

Sa halip na pagsagot sa mga argumento ng mga anti-K to 12, tila sirang plaka ang mga tagapagsalita ng panig na maka-K to 12 sa pag-uulit-ulit ng mga pariralang “regional integration”; “globalization”; “global competitiveness”; “benchmarking”; “job market”; “technical-vocational” at iba pa, kasabay ng pagbanggit sa K to 12 ngunit walang inilalaang espasyo ang Estado para sa debate hinggil sa mga konseptong ito. Hindi kataka-takang bumaha ng ayudang pinansyal mula sa United States Agency for International Development (USAID),

5 Binubuo ng mga sumusunod na partylist sa Kongreso: Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at ACT

Teachers.

World Bank, Australian Agency for International Development (AusAID), at iba pang dayuhang entidad, para sa mabilisang pagpapatupad ng K to 12, sapagkat malinaw ang layunin ng K to 12: iakma ang sistemang pang-edukasyon ng bansa sa mga pangangailangan ng mga mauunlad na bansa at pangangailangan ng mga malalaking negosyong lokal at transnasyunal. Mapait na pildoras ang pilit ipinaiinom sa mga estudyanteng inaalok ng K to 12 na kumuha ng mga kursong technical-vocational na “in-demand” sa ibang bansa tulad ng Caregiving, Housekeeping, Household Services, Wellness Massage, Slaughtering Operation, Welding, Food & Beverage Services, Cookery at iba pa. Bansa ng mga serbidor, alila, alipin, kaipala, ang layunin ng K to 12.

Sa kabila ng pagbaha ng bagong utang na ipinaketeng ayuda para sa K to 12, lantad na lantad na sa buong bansa ang kawalan ng sapat na kahandaan ng gobyerno sa pagpapatupad nito – mula sa kulang na pondo at pasilidad, hanggang sa kulang na personnel at materyales na panturo, sukdulang marami-raming eskwelahan pa rin ang walang kuryente, daan-daan ang sa ilalim ng puno nagkaklase, walang aklat sa ilang aklatan, isa lamang ang CR para sa isandaang estudyante, isang guro sa bawat klaseng may 40 hanggang 80 estudyante na bagsak sa pamantayang global mula sa 1:9 ng Cuba at Sweden (na kapwa mas maunlad sa Pilipinas) hanggang sa 1:31 ng Timor Leste (na mas anak-dalita pa kay Luzviminda) Pinakamasaklap, ayon mismo sa Departamento ng Edukasyon, 500,000 estudyanteng magtatapos sa publikong junior high school ang palilipatin nila sa pribadong senior high school at bibigyan lamang ng subsidyong 8,750 hanggang 22,500 piso kada taon na kapos na kapos sa matrikula sa mga paaralang pribado na karaniwa’y 25,000 hanggang 70,000 piso kada taon, bukod pa sa karagdagang gastusin sa iba pang bayarin, uniporme, teksbuk atbp. Sa gitna ng kaguluhan, ni hindi naging bahagi ng opisyal na diskurso ng gobyerno ang pagtalakay sa mga pagbabago sa nilalaman ng kurikulum sa ilalim ng K to 12. Ipinagpatuloy ang imposisyon ng mga kompetensi sa bawat asignatura na nilikha ng mga “eksperto” na wala namang sapat na koordinasyon at konsultasyon sa mga guro sa buong bansa. Sa ganitong konteksto, walang habas na pinungusan ng mga “eksperto” ang General Education Curriculum sa kolehiyo at arbitraryong nagdagdag naman ng dalawang taon sa antas sekundarya – dalawang taon ng senior high school – sa kabila ng katotohanan na walang pananaliksik na isinagawa ang magpapatunay na kailangan nga nito. Sa aktwal, isang pag-aaral na kantitatibo nina Porio at Felipe ang nagbigay-babala laban sa pagdaragdag ng dalawang taon sa hayskul. Anu’t anuman, sapat na sana sa mga may sentido komun ang pariralang “if ain’t broke, don’t fix it” (“kung hindi naman sira, ‘wag pakialaman”). Lumilitaw tuloy na pagwasak nga yata ang layunin ng K to 12: pagwasak sa progresibo at makabayang edukasyong mag-aambag sa pag-unlad ng bansa at ng mga mamamayan nito. Manggagawang robotiko at dehumanisado ang imamanupaktura ng K to 12 at isa lamang sa mga hakbang ng establisimyento sa pagsasakatuparan nito ang pagbura sa Filipino sa kolehiyo.

Pakikibaka Laban sa Pagbura sa Filipino, Literatura, Kasaysayan at Iba Pang Asignatura

Sa pamamagitan ng Commission on Higher Education Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, binura ng ikalawang administrasyong Aquino ang asignaturang Filipino, Literatura, at Philippine Government & Constitution. Pinaslang ng mga “eksperto” ang wikang pambansa sa kurikulum ng kolehiyo, alinsunod sa hungkag na pag-alingawngaw ng panawagang “global competitiveness” na nag-anyong rasonableng pagtalikod sa sarili upang diumano’y harapin ang daigdig, pagpatay sa kakayahang makipag-usap at makipagdiskurso sa kababayan upang diumano’y higit na maging mahusay sa pakikipagtransaksyon sa mga masasalaping

dayuhan, tuon sa kakayahang teknikal at trabaho lamang habang isinasantabi ang pangkalahatang paghubog sa pagkatao at pagiging tao ng estudyante. Sa esensya, timplang “1984” ni George Orwell + pelikulang “The Matrix” + pelikulang “Surrogates” ang niluto ng mga eksperto, sa halip na pedagohiyang mapagpalayang akma sa sitwasyon ng bansa na dati ring kolonya gaya ng Brazil ni Paulo Freire. Bukod dito, binura pa ng Departmento ng Edukasyon ang asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas/Philippine History sa junior high school at hindi rin ito isinama sa kurikulum ng senior high school, sa panahong nanggagalaiti ang madla upang isalba ang payapang tanawin sa likuran ng monumento ni Jose Rizal sa Luneta, sa “pambababoy” ng Torre de Manila. Kinalimutan na ng mga “eksperto” ang sinaunang kawikaang “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, di makararating sa paroroonan.” Mabuti na lamang at nag-aklas ang mga makabayan. Mula sa mga forum sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, hanggang sa mga lansangan, nakarating ang pakikibaka upang ipagtanggol ang wikang pambansa, sa Korte Suprema. Noong Abril 15, 2015, humigit-kumulang 100 edukador, manunulat, estudyante, lingkod-bayan, at mga mamamayang may malasakit sa wikang pambansa ang nagsama-sama upang isampa sa Kataas-taasang Hukuman ang kauna-unahang petisyon na nakasulat sa wikang Filipino, na naglalayong ipahinto ang implementasyon ng anti-Filipinong CMO No. 20, Series of 2013. Kinampihan ng Korte Suprema ang TANGGOL WIKA at binuweltahan ang sapakatang TANGGAL WIKA ng Malakanyang at CHED nang maglabas ang korte ng indefinite na Temporary Restraining Order (TRO) laban sa CMO No. 20, Series of 2013 noong Abril 22, 2015.

Daan-daang pahina ng dokumento ang isinumite ng TANGGOL WIKA – tulad ng resolusyon na “HUMIHILING SA COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED), AT KONGRESO AT SENADO NG REPUBLIKA NG PILIPINAS, NA AGARANG MAGSAGAWA NG MGA HAKBANG UPANG ISAMA SA BAGONG GENERAL EDUCATION CURRICULUM (GEC) SA ANTAS TERSIYARYA ANG MANDATORY NA 9 YUNIT NG ASIGNATURANG FILIPINO” na pinagtibay noong Mayo 23, 2014 ng National Commission on Culture and the Arts-National Committee on Language and Translation (NCCA-NCLT), at ng “KAPASIYAHAN NG KALUPUNAN NG MGA KOMISYONER BLG. 14-26 SERYE NG 2014” ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), gayundin ang resolusyon na may petsang Mayo 31, 2013 ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF) tungkol sa “PAGTIYAK SA KATAYUANG AKADEMIKO NG FILIPINO BILANG ASIGNATURA SA ANTAS TERSYARYA” – upang itaguyod ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo at pagiging pangunahing wikang panturo nito sa mataas na antas ng edukasyon. Bukod dito, binigyang-diin din ng petisyon ng TANGGOL WIKA sa Korte Suprema ang makabuluhang paninindigan ng mga guro ng Sining at Mga Wika sa National Center for Teacher Education (NCTE), ang Philippine Normal University (PNU) na nagpapahayag na: “Bukal ng karunungan ang Filipino bilang larangan na humuhubog ng kabuuan, kaakibat ang pagpapahalaga sa ating pagkamamamayang Pilipino. Gamit ang Filipino bilang isang larangan, itinatampok at binubuo nito ang pagkatao at pagkakakilanlan ng ating lahi na pundasyon ng ating kamalayan at kalinangan. Malinaw na ang wikang Filipino ang pangunahing instrumento upang mapaunlad ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral tungo sa pambansang kaunlaran.” Sapagkat Filipino ang wikang ginagamit ng 99% ng populasyon ng bansa, tiyak na ito rin ang wika ng pagbabagong panlipunan at pambansang kaunlaran. Sa kontekstong multilinggwal, multikultural, arkipelahiko, at post/neokolonyal ng Pilipinas, usaping buhay-at-kamatayan ang puspusang paggamit ng wikang pambansa bilang pangunahing wika ng edukasyon,

komunikasyon, at pambansang diskurso. Sa pamamagitan lamang ng isang matibay na wikang pambansa mabubuo ang tagni-tagning piraso ng arkipelago tungo sa mabilis na pagkakaunawaan, mabilis na praxis, mabilis na pagteteorya at aplikasyon ng teorya, mabilis na pananaliksik at aplikasyon ng pananaliksik, tungo sa mabilis na pambansang kaunlaran, tulad ng pinatunayan ng mga bansang industriyalisado sa Asya – gaya ng Tsina, Hapon, Timog Korea, at Taiwan – modelong sinundan ng mga ekonomya sa rehiyon na mas maunlad na sa Pilipinas tulad ng Thailand, Malaysia, Indonesia, at maging Mongolia sa nakalipas na wala pang isang dekada. Ang pagliligtas sa espasyo ng Filipino, kung gayon, ay malinaw na kailangan sa pagbubuo ng mabulas na pambansang diskurso sa mga isyung panlipunan sa loob at labas ng akademya tungo sa pagtataas ng antas ng diskurso at kamalayan ng madla, at sa pagpapatupad ng mga radikal na repormang sosyo-ekonomiko na makapagdudulot ng kaunlarang panlahat.

Kasabay ng paghahangad ng materyal na kaunlaran para sa sambayanan, hamon sa mga manunulat na Pilipino ang pag-aambag sa patuloy na pakikibaka laban sa pagbura ng Filipino, Literatura, at Kasaysayan sa kurikulum. Kung walang espasyo para sa Filipino, Literatura, at Kasaysayan sa kurikulum, baka dumating sa punto na mamatay na rin ang pagbasa at mismong paglikha ng panitikan sa bansa. Mahina pa rin ang protesta ng mga naturingang sikat na manlilikha ng panitikan sa Pilipinas laban sa CMO No. 20 at K to 12 kaya’t dapat pa ring bigyang-diin na ito’y responsibilidad din nila, lalo pa’t alam nilang ang espasyo sa kurikulum ang dahilan kung bakit marami-rami pa ring naoobligang magbasa ng kanilang mga sinulat. Kaugnay nito, dapat tiyakin ng mga manunulat na ang kanilang isusulat ay makabuluhan at makahulugan sa konteksto ng bansang Pilipinas. Tungkulin nila na itaas ang lebel ng diskurso sa kanilang mga akda sa halip na magpalunod sa dikta ng merkado at komersyal na mga korporasyong kumokontrol sa produksyon ng panitikan. Sa ganitong diwa, layunin ng lekturang ito na tukuyin ang iba pang kaugnay na hamon sa mga manunulat na inaasahang magmumulat sa sambayanan habang kasama nilang nakikibaka para sa mas maalwang bukas na pinapangarap nating lahat.

Protesta Laban sa Komersyalisasyon ng Panitikan

Dapat paigtingin ng mga manunulat ang protesta laban sa komersyalisasyon ng panitikan sa pamamagitan ng pag-aambag sa pagpapahina ng mga korporasyong kumokontrol sa produksyon ng panitikan. Samakatwid, dapat itaguyod ang mga indipendyenteng entidad na nag-iimprenta ng mga aklat. Sa madaling sabi, dapat itaguyod ang cooperative/collective, crowd-sourced at/o self-publication. Sa kasalukuyan, mababa ang tingin ng marami sa mga ganitong porma ng publikasyon, lalo na sa mga self-published na akda ngunit nakalimutan ng marami na ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” ni Jose Rizal ay kapwa self-published! Dahil hindi naman tayong lahat ay may mauutangang gaya ni Rizal, maaaring payabungin ang kolektibong publikasyon at crowd-sourcing. Ang aming aklat na “Rizal ng Bayan” – isang antolohiya ng mga sanaysay tungkol sa kontemporaryong kabuluhan ng mga kaisipan ng ating pambansang bayani – ay isang matagumpay na halimbawa ng kolektibong publikasyon. Tatlo kaming nag-ambagan para sa pagpapalimbag ng 1,000 kopya ng aklat. Maaari ring pasukin ang larangan ng “crowd-sourcing” o paghingi ng tulong – online man o offline sa publiko – para makalikom ng perang pampublikasyon. Susubukin ko itong gawin para mailimbag ang manuskrito ng “Ang Mabuting Balita Ayon Kay San Juan.” Ang mga ganitong uri ng publikasyon ay malaya sa sensura at diktadura ng merkado. Para sa mga manunulat na anti-kapitalista, ang

paglaya sa gintong bilangguan ng mga korporasyong kumukontrol sa produksyon ng mga aklat ay imperatibo. Walang pera sa self-publication at kolektibong publikasyon dahil karaniwa’y bawi lamang ang puhunan, pero di ba hindi naman pagkita ng pera ang layunin ng mapagmulat na manunulat kaya hindi tayo dapat matakot na mag-imprenta sa labas ng bakod ng mga korporasyon.

Tradisyong Muckraker sa Estados Unidos Bilang Inspirasyon

Talakayin naman natin ngayon kung ano ang dapat nating pagtangkaang isulat. Batid na nating lahat ang mapait na kolonyal at neokolonyal na karanasan ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng imperyalismong Amerikano ngunit dapat bigyang-diin na may matututuhan din naman tayo sa mga progresibong Amerikano. Halimbawa, maaari nating gawing inspirasyon ang mga “muckraker” (“tagakalaykay/tagakalkal ng dumi/basura”). Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang mga muckraker ay tumutukoy sa “group of American writers identified with pre-World War I reform and exposé literature. The muckrakers provided detailed, accurate journalistic accounts of the political and economic corruption and social hardships caused by the power of big business in a rapidly industrializing United States.” Isa sa mga pinakasikat na muckraker si Upton Sinclair na nagsulat ng “The Jungle.” Dahil sa mga muckraker, ilang batas para sa kapakanan ng nakararami ang naipasa sa Estados Unidos.

Korapsyon at kahirapan ang paksa ng mga muckraker: mga dumi at baho ng lipunang nagpapanggap na malinis. Hindi nga ba’t ang dalawang ito’y suliranin pa rin ng ating bansa ngayon? Pero nasaan ang mga bestseller na akdang tumatalakay sa mga ito? Sa panitikang Pilipino sa Ingles, nariyan ang “Blighted” ni Frank Chavez, pero sa Filipino, nasaan ang mga bagong nobelang korapsyon din ang pangunahing tema? May maikling kwentong “Miliminas: Taong 0069” pero bakit walang nobela? Sa halip na pangunahing paksa, naging paningit na lang ang pagbanggit sa korapsyon at/o kahirapan, at natutuwa na tayo sa mga akdang “nagsisingit” gayong kitang-kita binahiran lamang nila ng suliraning panlipunan ang kanilang akda upang hindi mapagbintangang sell-out. Kailangang muling kalkalin ang mga basura at ipaamoy sa lahat ang baho, ang sangsang ng mga problemang ito upang masulasok ang madla at mapilitang kumilos para resolbahin ang mga problemang ito. Sa halip na mga alkalde at mababang opisyal, dapat ay mga presidente at senador ang kontrabida sa mga susunod na nobela. Sa halip na mga munting don at donya na nang-aapi ng maliliit na komunidad, dapat mga bangko at korporasyon na nang-aapi sa buong bayan na ang kontrabida. Maaaring natatakot ang iba sa atin na walang magbasa kung ang ating akda’y muckraker, tahas na sosyo-politikal tulad ng “El Filibusterismo” ni Jose Rizal o ng “Mga Ibong Mandaragit” ni Ka Amado V. Hernandez pero hindi dapat kalimutang ang nobela ni Ka Amado ay lumabas nang serye o isinerye sa isang magasin o publikasyon, bago pa muling mailathala bilang isang aklat. Ibig sabihin, binabasa ng tao kahit sosyo-politikal at seryoso. Ang “Daluyong” ni Lazaro Francisco ay isinerye rin.

Progresibong Erotika, Pwede Ba?

Marami nang nailathalang erotikang Filipino sa mga nakalipas na taon gaya ng “Laglag Panty, Laglag Brief” at ng “Talong/Tahong” na kapwa inedit nina Dr. Rolando Tolentino et al. Pero wala pa yatang maraming akdang erotikang politikal. Pwede nga ba ang progresibong

erotika? Akdang may sex – maraming sex – pero tumatalakay pa rin sa mga nagnanaknak na kanser sa lipunan? Malaking hamon ito sa mga gustong magsulat ng erotika. Kalibugan at pagmumulat ng bayan, pwede kayang pag-eksperimentuhan?

Panitikang Brutal, Mapagpalaya, at Deus Ex Machina

Sa isang panayam na nagpaparangal sa mga manunulat ng bantog na antolohiyang “Mga Agos sa Disyerto,” idinepensa ni Propesor Rogelio L. Ordoñez ang pagsulat ng panitikang may brutal na wakas para sa mga kapitalista, asendero at iba pang mapang-api sa lipunan. Aniya, dapat ganoon ang isulat kahit sa ating panahon upang kahit sa panitikan man lamang ay magwagi ang inapi, at sang-ayon ako. Sapagkat malaya ang panitikan – lalo na ang mga akdang fiction, dapat maging malikhain ang mga manunulat. Bakit hindi muling isulat ang isang akdang mala-“El Filibusterismo” kung saan ang karakter na mala-Simoun ay magtatagumpay na sa pagpapasabog ng isang enggrandeng kasalan na dinaluhan ng lahat ng mga dambuhalang kriminal sa lipunan – mula sa mga korap na politiko hanggang sa mga kapitalistang nagpapatupad ng kontraktwalisasyon? Pwede bang sa susunod, sa nobela man o maikling kwento, pasagasaan sa bulok na tren ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno o kaya’y ang mga opisyal ng isang multinasyunal na korporasyong nagpasabog ng mga bundok sa Mindanao para nakawin ang mineral ng ating bansa? O kaya’y sa eksenang magic-realist, bakit di lamuning buo ng lupa ang buong asembliya na may temang “How To Maximize Profits Via Low Wages and Contractualization” na dinaluhan ng mga CEO ng mga korporasyong kapitalista, pagkatapos ng isang malakas na lindol sa Maynila na himalang sila lang ang tinamaan? Dapat sa remake ng pelikulang “On The Job”, magkampihan na sina Gerald Anderson at Joel Torre para iassassinate ang mga korap na politiko at opisyal ng pulisya na basura ang trato sa mga mamamayan. Pagtagumpayin natin ang bayan kahit man lamang sa panitikan habang nag-aambag din sa paghanap sa landas ng tagumpay ng bayan sa totoong buhay.

Panitikang Otro Mundo Es Posible at A Luta Continua

Otro mundo es posible o Another world is possible ang motto ng maraming aktibista sa daigdig. Sa mga mas malikhain at imaginative, baka maaaring isagad na ang pangangarap. Sumulat ng nobelang malapelikulang-“Metro Manila”, pero sa halip na isang bangko lang ang nakawan, bakit hindi mala-“In Time” na mga Central Bank na ang nanakawan para mas maraming pera agad ang maipamigay sa mga mahihirap? Pwede kayang iimagine din natin ang matagumpay na pag-hack ng mga progresibong hacker sa mga rekord ng mga bangko para burahin forever ang lahat ng utang ng mga mamamayan at bigyan pa ng libu-libong dolyar ang lahat? Baka pwede ring iimagine kung ano ang nangyari sa Pilipinas kung nakatakas si Andres Bonifacio bago pa siya barilin, lalo pa’t marami namang mahuhusay na historical fiction ang naisulat na gaya ng “Ang Makina ni Mang Turing” ni Dr. Ramon Guillermo, “Kangkong: 1896” ni Ceres Alabado, at “Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai at Ang Kolorum” ni Jose Rey Munsayac. Sa mga akdang dayuhan, nariyan ang “The 100-Year Old Man Who Climbed Out The Window and Disappeared” at “The Girl Who Saved The King of Sweden” ni Jonas Jonasson, at pati na rin ang klasikong “Cien Años de Soledad” o “One Hundred Years of Solitude” ni Gabriel Garcia Marquez. Kailangan na lang ng mas maraming twist at pwedeng kaunting twisting o reimagining ng history para maisulat kung ano sana ang nangyari kung hindi nagtagumpay ang mga traydor sa

kasaysayan ng bansa. Paglaruan o patayin ang mga diktador; gawing bida ang masa; biguin ang kontrabida; buhayin ang pinatay na bida; pagmultuhan ang mga kontrabida; baguhin ang realidad sa literatura at mag-ambag din sa pagbago ng realidad sa labas ng literatura. Marami rin tayong matututuhan sa mga nagsusulat ng fan fiction sa ibang bansa na napakataba talaga ng imahinasyon sa ganitong aspekto. Kung LGBT naman ang tema, baka pwedeng happy ending naman gaya sa pelikulang “Noordzee, Texas” o “North Sea Texas” ni Bavo Defurne sa halip na tipikal na sad ending sa mga Pinoy LGBT films? O kaya’y paksain din ang mga LGBT na nakikibaka gaya ng ginawa sa pelikulang “Pride” ni Matthew Warchus.

Kung istorya naman ng mga magsasaka, pwedeng ituloy ang “Mga Ibong Mandaragit” ni Ka Amado V. Hernandez para iimagine kung paano matagumpay na mapapatakbo ng mga magsasaka ang mga parsela ng lupa sa pamamagitan ng kooperatibisasyon pagkatapos na mapasakanila ang lupa sa ilalim ng panibago at matagumpay na programa sa lupa. Sa isyung pangmanggagawa naman, maaaring paksain ang mga matatagumpay na welga. Kung fan kayo ng magic realism, baka pwedeng magsulat ng nobelang ang pamagat ay “A Luta Continua!” tungkol sa isang taong tuloy-tuloy na nagrereincarnate para makibahagi sa mga matatagumpay na pakikibaka sa daigdig gaya sa panahon ng rebelyon nina Spartacus laban sa imperyong Romano, French Revolution, Russian Revolution, kilusang suffragette sa Europa at Estados Unidos, Civil Rights Movement sa Estados Unidos, administrasyong Salvador Allende sa Chile, anti-apartheid sa South Africa, kilusang anti-Marcos sa Pilipinas, welga ng mga minero sa United Kingdom, gera-sibil sa El Salvador, pananakop ng Amerika sa Vietnam, eleksyon ni Hugo Chavez sa Venezuela, at iba pa. Oo, isang mala-“The Time Traveler’s Wife” na nobela pero sa halip na simpleng love story ay gawin nang serye ng mga pakikibaka ng karakter na kumakatawan sa lahat ng mga aktibista ng bawat henerasyon. Maaari ring basahin ang “Cloud Atlas” ni David Mitchell, o panoorin ang pelikulang bersyon nito na idinerehe ni Lana Wachowski et al. Narito pa ang ilang pelikula na maaring paghanguan ng ideya sa pagsulat ng panitikang otro mundo es posible: “Millions” ni Danny Boyle; “Goodbye Lenin!” ni Wolfgang Becker; “The Good Lie” ni Philippe Falardeau; “El Laberinto de Pan” o “Pan’s Labyrinth” ni Guillermo del Toro , “V for Vendetta” ni James McTeigue, “Voces Inocentes” o “Innocent Voices” ni Luis Mandoki, “Selma” ni Ava DuVernay, “The Butler” ni Lee Daniels, “The Help” ni Tate Taylor, “The Book Thief” ni Brian Percival, “Bread and Roses” ni Ken Loach, “Imagining Argentina” ni Christopher Hampton, at “En Kongelig Affære” o “A Royal Affair” ni Nikolaj Arcel.

Pagsasalin ng Mga Progresibong Panitikan Mula sa Ibang Bayan

Kasabay ng pagpapayabong ng sariling panitikan, dapat pasiglahin din ang pagsasalin sa mga progresibong panitikan mula sa ibang bayan. Ang mga akdang ito’y makatutulong din sa pagpapahusay ng estilo at porma ng panitikang Filipino. Sa antolohiyang “100 Salin” na inedit ni Dr. Raquel Sison-Buban at Joey Stephanie Chua ay mababasa ang salin ng ilang napakaiikling kwento ni Eduardo Galeano mula sa “Bocas del tiempo” o “Voices of Time: A Life of Stories.” Narito ang akdang “Kahirapan” mula roon: Ayon sa estadistika, maraming dukha sa daigdig, ngunit sa totoo lamang, sila’y mas marami pa sa inaakalang marami na. Isang batang mananaliksik, si Catalina Alvarez Insua ang umimbento ng isang kapaki-pakinabang na sukatan upang itama ang mga kalkulasyon. “Ang mga dukha ay ang mga taong pinagsasaraduhan nila

ng pinto,” sabi niya. Nang ilahad niya ang kanyang pamantayan, siya’y tatlong taon pa lamang. Ang pinakamainam na edad sa pagtanaw sa daigdig at pagtuklas sa kalagayan nito.

Nasimulan ko na rin ang pagsasalin ng “1984” ni George Orwell noong estudyante ako sa kolehiyo ngunit hindi ko pa rin iyon natatapos. Wala pang salin sa Filipino ang “City of Thieves” ni David Benioff, “The Hobbit” ni J.R.R. Tolkien, “The White Tiger” ni Aravind Adiga, “A Case of Exploding Mangoes” ni Mohammed Hanif, “Il cimitero di Praga” o “The Prague Cemetery” ni Umberto Eco, “Ensaio sobre a Lucidez” o “Seeing” ni Jose Saramago, “Animal Farm” ni George Orwell, “Los hijos de los días” o “Children of the Days: A Calendar of Human History” ni Eduardo Galeano, “The Book of Virtues: A Treasury of Great Moral Stories” na inedit ni William J. Bennett, “How the Soldier Repairs the Gramophone” ni Sasa Stanisicat, “Ein weites Feld” o “Too Far Afield” ni Günter Grass, “La fiesta del chivo” o “Feast of the Goat” ni Mario Vargas Llosa, “People of the Book” ni Geraldine Brooks, “The Languages of Pao” ni Jack Vance, at napakarami pang ibang akdang luma at bago na makabuluhan at masining ang pagkakasulat. May mga salin na ng akda ng mga Latino Amerikanong gaya nina Pablo Neruda at Ernesto Cardenal ngunit pana-panahong maaari namang muling magsalin at tiyak na may mga akda pa rin naman silang hindi pa naisasalin.

Panitikan ng Mga Kinalimutan/Nakalimutan sa Kasaysayan at Lipunan

Mayaman ang tradisyong social-realist sa panitikang Filipino mula noon hanggang ngayon, at napakarami ring akda sa ibayong dagat, lalo na yaong isinulat ng mga mula sa “kapatid” nating kontinenteng Amerika Latina, kaya’t ang pagsusulat ng panitikan ng mga kinalimutan at nakalimutan sa lipunan ay madali nating maisasabalikat. Narito ang ilan sa mga paksang mula sa mga piraso ng ating kasaysayan na maaaring talakayin sa iba’t ibang akda: malawakang welga at hunger strike ng mga guro sa Metro Manila sa mga huling bahagi ng dekada 80 hanggang unang bahagi ng dekada 90 na bahagyang natalakay sa pelikulang “Mila” ni Joel Lamangan; talambuhay ng isa sa libu-libong desaparecido sa panahon ng diktadurang Marcos at iba pang rehimen (maaaring paghalawan ang mga pelikulang gaya ng “Dukot” o “Burgos: A Mother's Love” kapwa ni Joel Lamangan din); talambuhay at/o kwentong-buhay ng mga limot na bayani at/o hindi pa gaanong sikat na karakter sa kasaysayan gaya nina Crisanto Evangelista, Lorenzo Tañada, Jose W. Diokno, Claro M. Recto, Crispin “Ka Bel” Beltran, Bishop Antonio Fortich, Sister Mariani Dimaranan, Simonea Punsalan-Tapang, Juan Feleo, Apolinario Mabini, Pedro “Don Perico” Abad Santos, Melchora Aquino, Marcelo H. Del Pilar, GomBurZa, mga bayaning ang pangalan ay nasa Bantayog ng Mga Bayani; mga politikal na masaker sa kasaysayan ng Pilipinas (Bud Dajo 1906, Bud Bagsak 1913, Malolos 1945, Maliwalu c.1950, Masico c.1950, Jabidah 1968, Escalante 1985, Lupao 1987, Mendiola 1987, Guimba 1989, Paombong 1989, Hacienda Luisita 2004, San Ildefonso 2006 at iba pa); pakikibaka ng sambayanan para maipasara ang base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas noong 1991; istorya ng mga kasapi ng Overseas Chinese 48th Detachment o Wachi na kaalyado ng Hukbalahap sa pakikipaglaban sa mga Hapon noong dekada 40; pakikibaka ng TANGGOL WIKA at iba pa laban sa CMO No. 20, Series of 2013, kasaysayan ng Pilipinas sa mga awit na sumikat o nalikha sa bawat panahon (na balak ko sanang simulan sa pamamagitan ng antolohiyang “Bayan Ko: Kasaysayang-Bayan ng Pilipinas sa Mga Awit”) at iba pa.

Bukod sa mga nakalimutang piraso ng kasaysayan, dapat ding pasiglahin ang paglikha ng panitikan tungkol sa mga ordinaryong mamamayang tulad ng manggagawang kontraktwal gaya sa pelikulang “Endo” ni Jade Castro, mga pulubi, mga construction worker (gaya ng Eton 11 na nalaglag sa gondola), mga biktima ng prostitution, mga biktima ng 5-6, mga gurong Loandoner (gaya ng Pangasinan 4 na pinagbabaril ng pulis na naniningil ng utang), mga magsasakang naghihintay na mabigyan ng sariling lupa (gaya ng mga nakapiket sa harapan ng Department of Agrarian Reform), mga tindero at tindera na nakikipagpatintero o kaya’y taguan sa mga bus at mga empleyado ng MMDA at iba pa, mga manggagawang nakapila at nagdedemanda sa National Labor Relations Commission (NLRC), mga migrante o OFW gaya nina Flor Contemplacion at Mary Jane Veloso, mga biktima ng malalakas na bagyo at iba pang kalamidad at trahedya na naglalantad sa kapalpakan at kawalang-malasakit ng mga makapangyarihan sa ating lipunan…Parada ng mga aba at biktima, panitikan ng mga api at pinagsasamantalahan, upang mailantad at panagutin ang mga dambuhalang kriminal. “Comfort the afflicted, and afflict the comfortable,” sabi nga ng manunulat na si Finley Peter Dunne.

Pag-imbento ng Mga Bagong Porma ng Panitikan

Hamon din sa ating lahat ang pag-imbento ng mga bagong porma ng panitikan, pagbuhay sa mga lumang porma gaya ng dagli (tulad ng ginawa ni Dr. Rolando Tolentino sa “Sakit ng Kalingkingan: 100 Dagli sa Edad ng Krisis”) o kaya’y adapsyon ng pormang popular sa ibang bansa (tulad ng ginawa ni Dr. Rhod Nuncio sa “Lihim ng Ultramar”). Kaugnay ng adapsyon ng porma, maaaring sipatin ang pormang ginamit ni Eduardo Galeano sa kanyang mga akda tulad ng “Venas abiertas de America Latina” o “Open Veins of Latin America”: masining at mala-poetikong lenggwahe sa akdang tuluyan/pasalaysay na karaniwa’y historikal pa nga. Maaari ring balikan ang “Walking With The Comrades” ni Arundhati Roy para sa estilo ng malikhaing pagsasalaysay ng aktwal na karanasan na hinabi sa pangkalahatang sitwasyong politikal ng kanyang bansa at panahon. Sa mga mahilig naman sa comics at/o estilong mala-graphic novel, maaaring balikan ang mga akdang gaya ng “Marx for Beginners” ni Rius at “Socialism for Beginners” ni Anna Pacuska na kapwa nakatutuwang basahin kahit na mabibigat na paksang politikal ang tinatalakay. Tiyak na maaaring maging inspirasyon ang mga gayong akda sa pagbuo natin ng sariling panitikan. Hinggil naman sa pag-iimbento ng mga bagong porma, maaaring pag-eksperimentuhan ang pagsusulat sa WattPad ngunit dapat tiyakin na sa pagpasok natin doon ay maiaangat nating unti-unti ang lebel ng diskurso roon mula sa mga palasak na paksang pampag-ibig tungo sa mga suliraning panlipunan na dapat lutasin, sa halip na malunod sa namamayaning diskurso roon.

Manunulat ng Bayan, Magkaisa: Lumahok sa Pakikibaka ng Masa!

Ayon kay Paulo Freire sa aklat na “Pedagogy of the Oppressed,” ang praxis ay “reflection and action directed at the structures to be transformed.” Samakatwid baga’y teorya at praktika para sa pagbabagong panlipunan. Bagamat sa pedagohiya aktwal na inilapat ni Freire ang praxis, maaari rin nating gamitin ang konseptong ito sa panitikan. Kahit sanlibong palihan o workshop sa pagsulat ang ating salihan, hindi tayo magiging magaling at mapagmulat na manunulat kung hindi tayo lalahok sa mga pakikibaka ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi lamang rali, forum, petisyon, meeting, asembliya, at iba pa ang tinutukoy na pakikibaka rito,

kundi ang pang-araw-araw mismong pakikipagtunggali ng mga ordinaryong tao sa napakaraming suliraning dapat resolbahin. Samakatwid baga’y pakikipamuhay, pakikipagkaisa, pakikipagkapit-bisig, pakikisalamuha…Katunayan, marami sa ating mga magagaling na manunulat mula kina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar at Amado V. Hernandez, hanggang kina Bienvenido Lumbera, Ramon Guillermo, at Rolando Tolentino ay pawang aktibo sa iba’t ibang kilusan para sa pagbabagong panlipunan. Ipagpatuloy natin ang ganitong dakilang tradisyon! Sa ganitong diwa, nais kong iwan sa lahat ang pinakamahalagang hamon: “Mga manunulat ng bayan, magkaisa, lumahok sa mga pakikibaka ng masa!”

###

Agosto 8, 2015

Maynila