Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace: Panimulang Pagtanaw sa Karanasang Pilipino

22
BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 1 KASAYSAYAN NG CYBERSPACE, KASAYSAYAN SA CYBERSPACE: PANIMULANG PAGTANAW SA KARANASANG PILIPINO Michael Charleston B. Chua I. PANIMULA Ilang taon pa lamang ang nakalilipas, kapag may takdang aralin o pananaliksik na ukol sa kasaysayan, ang unang pinupuntahan ng mga estudyante ay ang bolyum-bolyum na ensiklopidya sa mga aklatan o tahanan. Sa panahon ng bagong milenyo, ang unang pupuntahan ng estudyante ay ang harapan ng kompyuter, at sa isang click lang, maaari na niyang makuha ang impormasyon na hinahanap sa malawak na pook ng cyberspace. Titingnan ng pag-aaral ang naging pag-unlad ng internet sa Pilipinas mula nang magsimula ito noong Dekada 1990, hanggang sa paglipana ng mga personal na blog at demokratisasyon ng pagbabahagi ng kaalaman dito isang dekada lamang ang makakaraan. Bibigyang diin sa pamamagitan ng Kapanahong Kasaysayan, ang kahalagahan ng cyberspace bilang salamin ng kaisipan ng mga mamamayan, lalo na ng mga kabataan, at bilang mayaman na batis ng kasaysayan ng ating panahon. Ipapakita rin ang cyberspace bilang sisidlan ng mga salaysay (narratives) ng nakaraan ng mga Pilipino at ang bisa at limitasyon nito sa pag-aaral, pananaliksik, at pagtuturo ng kasaysayan. Sa panimulang pagtanaw na ito, makikita sa kasaysayan ng cyberspace at ng kasaysayan sa cyberspace ang katotohanan na ang kasaysayan ay para sa lahat. Gayundin ang katotohanan na ang lahat, kapwa ang mga dalubhasa, may hilig, interes, at estudyante ng kasaysayan, ay may pagkakataong makibahagi sa pagsusulat at paglikha ng kasaysayan. Makikita rin na maaaring maiintindihan ang batayang kultural ng cyberspace sa Pilipinas kung titingnan ito sa ating sariling konsepto ng Kapwa at Kapatiran, tungo sa tunay na Talastasang Bayan, at pagbubuo ng Sambayanang Pilipino sa loob at labas ng sangkapuluang ito. Gamitin ng lubos ang magagandang dulot nito sa talastasan subalit maingat pa rin sa mga panganib na dala- dala nito. i II. CYBERSPACE SA KAPANAHONG KASAYSAYAN ii Ayon sa pangulo ng UP Lipunang Pangkasaysayan na si Ayshia F. Kunting sa aming pakikipagtalastasan, ang pag-aaral ng kasaysayan ng cyberspace at kasaysayan sa cyberspace ay kamangha-mangha, “It’s the thing of the present, don’t know how to say it... Ü” Ngunit kung ang cyberspace ay isang penomena ngayon, paano ito magagamit bilang batis ng kasaysayan ng kasalukuyan at mentalidad ng mamamayan sa mga pangyayari ngayon? Para sa tradisyunal na historia, kailangan ng maraming taon na distansya sa mga pangyayari para mas obhektibong matingnan ito. Maaaring emosyonal pa ang magiging salaysay na mabubuo.

Transcript of Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace: Panimulang Pagtanaw sa Karanasang Pilipino

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 1

KASAYSAYAN NG CYBERSPACE, KASAYSAYAN SA CYBERSPACE: PANIMULANG PAGTANAW SA KARANASANG PILIPINO

Michael Charleston B. Chua

I. PANIMULA

Ilang taon pa lamang ang nakalilipas, kapag may takdang aralin o pananaliksik na ukol sa kasaysayan, ang unang pinupuntahan ng mga estudyante ay ang bolyum-bolyum na ensiklopidya sa mga aklatan o tahanan. Sa panahon ng bagong milenyo, ang unang pupuntahan ng estudyante ay ang harapan ng kompyuter, at sa isang click lang, maaari na niyang makuha ang impormasyon na hinahanap sa malawak na pook ng cyberspace. Titingnan ng pag-aaral ang naging pag-unlad ng internet sa Pilipinas mula nang magsimula ito noong Dekada 1990, hanggang sa paglipana ng mga personal na blog at demokratisasyon ng pagbabahagi ng kaalaman dito isang dekada lamang ang makakaraan. Bibigyang diin sa pamamagitan ng Kapanahong Kasaysayan, ang kahalagahan ng cyberspace bilang salamin ng kaisipan ng mga mamamayan, lalo na ng mga kabataan, at bilang mayaman na batis ng kasaysayan ng ating panahon. Ipapakita rin ang cyberspace bilang sisidlan ng mga salaysay (narratives) ng nakaraan ng mga Pilipino at ang bisa at limitasyon nito sa pag-aaral, pananaliksik, at pagtuturo ng kasaysayan. Sa panimulang pagtanaw na ito, makikita sa kasaysayan ng cyberspace at ng kasaysayan sa cyberspace ang katotohanan na ang kasaysayan ay para sa lahat. Gayundin ang katotohanan na ang lahat, kapwa ang mga dalubhasa, may hilig, interes, at estudyante ng kasaysayan, ay may pagkakataong makibahagi sa pagsusulat at paglikha ng kasaysayan. Makikita rin na maaaring maiintindihan ang batayang kultural ng cyberspace sa Pilipinas kung titingnan ito sa ating sariling konsepto ng Kapwa at Kapatiran, tungo sa tunay na Talastasang Bayan, at pagbubuo ng Sambayanang Pilipino sa loob at labas ng sangkapuluang ito. Gamitin ng lubos ang magagandang dulot nito sa talastasan subalit maingat pa rin sa mga panganib na dala-dala nito.i

II. CYBERSPACE SA KAPANAHONG KASAYSAYANii Ayon sa pangulo ng UP Lipunang Pangkasaysayan na si Ayshia F. Kunting sa aming pakikipagtalastasan, ang pag-aaral ng kasaysayan ng cyberspace at kasaysayan sa cyberspace ay kamangha-mangha, “It’s the thing of the present, don’t know how to say it... Ü” Ngunit kung ang cyberspace ay isang penomena ngayon, paano ito magagamit bilang batis ng kasaysayan ng kasalukuyan at mentalidad ng mamamayan sa mga pangyayari ngayon? Para sa tradisyunal na historia, kailangan ng maraming taon na distansya sa mga pangyayari para mas obhektibong matingnan ito. Maaaring emosyonal pa ang magiging salaysay na mabubuo.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 2

Subalit, kung iisipin, kailan pa ito maisusulat, kung hindi na maaaring magsalita sa hukay nila ang mga nakilahok at nakaranas ng mga pangyayari? Kapag nabubulok na ang mga batis o magsara na ang mga internet sayt? Nakita kong gintong pagkakataon pa rin na marami sa mga salaysay na ito ay makakalap pa at ang mga nakilahok at nakikilahok sa pagbubuo ng internet at mga diskurso nito ay buhay pa rin at maaari pang magkwento. Ayon na rin kay Benedetto Croce, “All history is contemporary history” (Croce 1937, 2000, 8). Ibig sabihin, lahat ng mga salaysay tungkol sa nakaraan, gaano man kalaki ang distansya ng mga pangyayari mula sa nakaraan, ay apektado ng mga pananaw sa panahon ng historyador. Ginamit sa pag-aaral na ito ang metodolohiya ng Kapanahong Kasaysayaniii , na kaiba sa “Contemporary History” at “Investigative Journalism” ng Kanluranin. Pahapyaw itong binanggit ni Zeus A. Salazar sa kanyang aklat na Pangulong Erap: Biograpiyang Sosyopulitikal at Pangkalinangan ni Joseph Ejercito Estrada (Z. Salazar 2005, v). Ang Kapanahong Kasaysayan ay kaiba sa Contemporary History sapagkat ang huli ay mula sa pangangailangan ng pagsasapanahon ng Kasaysayan ng Europa. Ang salitang Contemporary ay nagmula sa salitang Latin na com tempore o com temporis, na ang ibig sabihin ay “nabibilang sa parehong panahon, nabubuhay o nangyayari sa parehong panahon, o nasa parehong edad” (Mayer). Ayon kay Dr. Salazar, isang Pilipinong iskolar na nag-aral at nagturo sa Unibersidad ng Paris I sa Sorbonne, nagkaroon ng Contemporary History sa Kasaysayan sapagkat humaba na nang humaba ang Modern History (Renaissance, Enlightenment, at ang rebolusyong Pranses) na sumunod sa Medieval o Dark Ages. Iba-iba ang sinasabi ng iba’t ibang historyador kung kailan nagsimula ang Contemporary History. May nagsasabi na ito ay nagsimula sa pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig (1918). Ayon kay Geoffrey Barraclough sa “The Nature of Contemporary History,” ito ay nagsimula noong magretiro si Otto Von Bismarck bilang Unang Chancellor ng nagkakaisang Alemanya noong 1890 (Barraclough 1967, 10, 15). Sa anumang kaso, hindi ito maaaring iangkop sa Kasaysayan ng Pilipinas, bagama’t sa maraming iskolar sa Pilipinas, ginagawa nila itong pantukoy sa ating panahon mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas noong 1945. Ang Kapanahong Kasaysayan ay kaiba sa Investigative Journalism sapagkat ang huli, bagama’t nagsasaliksik ukol sa kasalukuyang mga pangyayari at isyu, hindi nito inilalagay ang kanilang paksa sa mas malawak na daloy ng Kasaysayan at kapaligiran ng bansa. Iba ang saysay nito sa kasaysayan sapagkat ang mga napapaksa lamang sa investigative journalism ay yaong mga isyung maiinit o interesante sa pangkasalukuyang panahon, nararapat pa nga na ito’y human interest story, o mas mainam kung ekplosibo na tila isang exposé, upang makabenta ng peyodiko, o pakinggan at panoorin ng tao. Iba rin ang metodo ng investigative journalism sa metodong pangkasaysayan sapagkat sa una, matapos magtanong sa iilan ay maaari nang iulat ito. Sa pag-aaral na ito, ang Kapanahong Kasaysayan ay isang metodolohiya kaysa isang pantukoy sa isang partikular na panahon.iv Sa Kapanahong Kasaysayan, ang mananalaysay o historyador at ang sinasalaysayan ay bahagi ng paksa o kasaysayang isinasalaysay. Halimbawa ng mga historyador na nagsalaysay ukol sa mga bagay na kanilang nakita sa kanilang mga kapanahon ay sina Herodotus, Thucydides, Xenophon, at Polybius.v Samakatuwid, hindi nakakahon ang Kapanahong Kasaysayan sa isang partikular na panahon.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 3

Dahil sa kaunting distansya ng Kapanahong Kasaysayan sa sinasaysay nitong pangyayari, hindi itinatanggi ang bias, ngunit ito ay nalilimita dahil sa metodong pangkasaysayan na ginagamit (pagsusuri at pag-uugnay ng mga batis, pag-uuri nito bilang mga primarya at sekundaryang batis). At dahil kapanahon nga ang salaysay ng pangyayari, marami ang maaaring magbigay ng paglilinaw o magwasto sa salaysay mula sa mga nabubuhay pang nakilahok sa nasabing pangyayari. Kaya naman nararapat na ihanda ng historyador ng kapanahong kasaysayan sa kanyang sanaysay ang mga sagot sa mga maaaring itanong sa kanya ng ibang historyador o ng ibang pananaw. Sa diwa ng Bagong Kasaysayan, hindi rin dapat matali sa pagtingin sa nakasulat na dokumento, tulad ng tradisyunal na historia, ang Kapanahong Kasaysayan. Dahil sa pagnanais ng Kapanahong Kasaysayan na isalaysay ang pinakabuong karanasan ng mamamayan hangga’t maaari, mahalagang pagsama-samahin ang mga metodo ng mga kaugnay na disiplina sa Agham Panlipunan tulad ng Sosyolohiya at Antropolohiya upang mabigyan ng pansin hindi lamang ang mga pangyayari, kundi ang pamumuhay, kaisipan at kalinangan na nakapalibot sa pangyayari. Ayon sa historyador na si Atoy M. Navarro:

...ang lapit na multi-disiplinaryo/pluridisiplinaryo naman ay tumutukoy sa paggamit ng dalawa o marami pang magkakaugnay na disiplina ng isang dalubhasa, pantas o paham upang maging mabisa ang pag-uugnay ng mga maaaring mga pananaw, pagtingin, pagsusuri at pag-unawa sa paksa. Ibig sabihin nito, hindi lamang saklaw ng mga disiplinang ginagamit ang nalalaman kundi lalo’t higit ang lawak at lalim ng mga ito (Navarro 2000, 26).

Ipinaliwanag ng historyador na si Nancy Kimuell-Gabriel ang pagkakaroon ng multi-disiplinaryong lapit ng Bagong Kasaysayan:

Nalampasan na ng mas makabagong historiograpiya, tulad ng Bagong Kasaysayan (sa Pranses, Novelle Histoire), ang positibismo. Tinatanggap ng Bagong Kasaysayan ang mga dokumento bilang tradisyunal na batis pangkasaysayan subalit hindi na siya nakakulong lamang sa mga dokumento. Multi-disiplinayo ang pagdulog ng Bagong Kasaysayan sa pag-aaral kung kaya ang dokumento ay isa na lamang sa mga batis. Tinatanggap ngayon ang pasalitang kasaysayan (oral history) at lahat ng positibong bagay (positive reinforcement) na makakapagpatibay na nangyari ang mga pangyayari tulad ng larawan, monumento, artifak, relics, atbp. Ang ganitong approach ay tinatawag na triangulation of sources: Makapal na dokumento, pasalitang batis at mga positive reinforcement. Multidisiplinaryo sapagkat lahat ng disiplina ng agham panlipunan (arkiyolohiya, linggwistika, antropolihya, sikolohiya, ekonomiya atbap) ay nagdadayalogo at nagdedebate para patibayin ang isang historical claim. Mas suportado ng iba’t ibang disiplina, mas matibay ang isang salaysay. Higit ding kumparatibo, kumprehensibo at analitikal ang lapit na multidisiplinaryo (Gabriel 2007).

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 4

Liban pa sa dokumento at mga pasalitang mga salaysay, kailangan ding harapin ng isang nagsasaysay ng Kapanahong Kasaysayan ang iba’t ibang mga bagong anyo ng batis tulad ng mga larawan; gawang-sining; brodkast sa radyo; audio-biswal na mga presentasyon tulad ng mga raw footages, dokumentaryo at pelikula; at cyberspace, at ituring ang mga ito bilang bahagi ng literatura. Ang pagkilatis sa mga ito ay tulad din ng pagkilatis sa mga dokumento at pasalitang salaysay. Malaki ang maitutulong ng mga ito upang lalong maging dinamiko, makabuluhan at buhay ang salaysay. At bagama’t ang Kapanahong Kasaysayan ay nagsasaysay tungkol sa mga kasalukuyang pangyayari sa panahong isinusulat, naikokonekta niya ito sa mas malawak na pambansang heograpiya, opinyon at epektong pambansa, sapagkat gagap ng historyador ang pangkalahatang daloy ng kasaysayan. Sa madaling salita, ang Kapanahong Kasaysayan ay “salaysay na may saysay sa mga kapanahon na nakapaloob sa isang mas malawakan at matagalang kasaysayan bilang kamalayang pangkalinangan.” (Z. Salazar, 11 Hulyo 2007) Samakatuwid, ang ipinapadamang saysay sa atin ng metodong ng Kapanahong Kasaysayan ay ito: Iginigiit nito na ang indibidwal at ang Bayan na sinasalaysayan ay bahagi ng Kasaysayang binubuo. Sa aking pakikipagtalastasan kay Dr. Salazar kanyang sinabi ukol sa malaking papel ng Cyberspace sa Kapanahong Kasaysayan:

Dalumatin mo na ang Kapanahong Kasaysayan na ang pinakatampok ay ang kasaysayan sa internet na hindi lamang napakalapit sa batis kundi sa pagpapakahulugan at sa mismong pagdadalumat. Superbilis dito ang kasaysayan napakalapit sa personal, buhay at talambuhay.... Parang hot pandesal ang kasaysayang dagitab kumpara sa mas mataas ng KAPANAHONG KASAYSAYAN. NASA PIGING KA NA RITO: kapanahon mo pa rin ang nakapalibot ngunit mas klaro ang konteksto—AT ANG POOK. POOK: sa kaso ng iyong pag-aaral, pambansa ang pook at ang pinoprosesong kasalukuyan ay mas may fokus at mas madaling mapanghawakan... (Z. Salazar, 16 Enero 2008)

Sa iba’t ibang disiplina, tulad ng sikolohiya, sosyolohiya at antropolohiya, may mga nagsasaliksik na ukol sa karanasang Pilipino sa Cyberspace. Batay sa aklat ng mga abstracts ng katatapos pa lamang na International Conference on Philippine Studies (ICOPHIL) nitong 23-26 Hulyo 2008 sa PSSC, Lungsod Quezon, Pilipinas, lima sa mahigit 200 papel na binasa ay may paksang kaugnay ng cyberspace. Kabilang na ang papel ng antropolohistang si Prop. Raul Pertierra na masasabing isa sa mga pinakaproduktibo sa larangang ito ng Araling Pilipino (Pertierra 2008). Ilan pa sa mga Pilipinong iskolar na naging tagapanguna ng pag-aaral ng Cyberspace sa kanilang mga larangan ay si Dr. Isagani Cruz (Wikang Filipino), at Prop. Cherrie Joy Billedo (Sikolohiya). Ayon sa ilang kritiko ng disiplina, laging nahuhuli ang Kasaysayan. Nagsusulat at nagsasaliksik lamang ng mga bagay kung kailan matanda, ulyanin o patay na ang mga nakilahok, o nabubulok, o nawala na ang mga batis. Ngunit, hindi pahuhuli ang Bagong Kasaysayan sapagkat nakikita nito ang cyberspace bilang salamin ng kaisipan ng mga mamamayan, lalo na ng mga kabataan, at

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 5

bilang mayaman na batis ng kasaysayan ng ating panahon. Ang Bagong Kasaysayan din ang may multi-disiplinaryong metodolohiya na handa sa pagpapakahulugan sa Kasaysayan ng Cyberspace at Kasaysayan sa Cyberspace.

III. KASAYSAYAN NG CYBERSPACE: KARANASANG PILIPINO Ang pag-aaral na ito ay hindi magpapakita ng teknikal na pag-unlad ng Cyberspace sa Pilipinas, na maaaring masumpungan sa naisulat na pagtatangkang timeline hanggang 1999 ni Sherry Arrieta (aka Smbea), patnugot ng Wired! Philippines (http://www.msc.edu.ph/wired/timeline.html), kundi ng isang pagpapakahulugan sa karanasang Pilipino ng Cyberspace. Ang kasaysayan ng internet sa daigdig ay hinubog ng mga pwersang pangkasaysayan. Ang tagapanguna ng internet, ang ARPANET, ay nilikha noong 1966 ng Advanced Research Projects Agency (ARPA) ng Departamento ng Tanggulang bansa ng Estados Unidos, upang mapagbuklod ang mga mananaliksik sa iba’t ibang institusyong Amerikano sa konteksto ng Cold War (Abbate 1999). Matapos ang dalawang dekada, naluma na ang ARPANET sa pagdami ng gumagamit nito. Ngunit noon lamang 1989 iminungkahi ng Ingles na si Sir Tim Berners–Lee ng European Laboratory for Particle Physics (CERN, Geneva) na ilabas mula sa mga akademiko at pamahalaan tungo sa malaganap na paggamit ang internet sa pamamagitan ng World Wide Web na unang lumabas noong tag-init ng 1991. Siya ang nagdalumat ng coding system na naging wika ng web, ang HTML (HyperText Mark-up Language); ang paraan ng pagbibigay ng address sa bawat websayt, ang URL (Universal Resource Locator); at ang pamamaraan upang mai-ugnay sa iba’t ibang kompyuter na naka-internet, ang HTTP (HyperText Transfer Protocol) Patuloy siyang nakibaka upang maging libre para sa lahat ang teknolohiyang kanyang nilikha (Quittner 1999). Gayundin, masasabing ang pagsisimula ng internet sa Pilipinas ay produkto ng mga makasaysayang pagbabago sa lipunan. Si Dr. William Torres, na teknikal na tagapayo ng COMELEC sa pagbibilang ng boto sa pamamagitan ng mga kompyuter noong Snap Elections nang 1986, ay isa sa mga nag-walk-out nang makita niyang dinadaya ang mga bilang ng boto. Ayon sa kanya, ang People Power na nagpatalsik sa diktadura ni Marcos at ang democratic space sa Pamahalaang Aquino ang nagbigay daan na muling magtulong ang pamahalaan at pribadong sektor na nagbigay daan sa mahabang proseso ng pag-unlad at pagsilang ng internet noong 1994 (Torres 2006). Bandang 1986 rin, pinagana nina Efren Tercias and James Chua ng Wordtext Systems ang pinakaunang FidoNet BBS, "STAR BBS," ang tagapanguna ng internet sa Pilipinas. Nagkaroon din noong Agosto ng pinakaunang paggamit sa publiko ng tinatawag na First-Fil RBBS. Pagkalipas ng isang taon, isa nang network ang itinatag, ang First Philippine BBS network na batay sa mga FidoNet protocol. Binuo rin ang Philippine FidoNet Exchange ng ilang BBS sa Kalakhang Maynila (Smbea 1999a). 1987 rin nang likhain ni Pang. Aquino ang National Information Technology Council na mangangasiwa ng pananaliksik sa pag-unlad ng Information Technology (IT) sa buong bansa.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 6

Pinamunuan ito ni Dr. William Torres na pinagbuklod ang pamahalaan at ang pribadong sektor sa konsultasyon. Noong maagang Dekada 1990, bilang direktor ng National Computer Center, tumungo siya sa Department of State ng Estados Unidos upang tingnan kung paano madadala sa Pilipinas ang teknolohiya. Kasabay ng pagsisimula ng pagpapalaganap ng internet sa komersyo (Torres 2006). Sa mga gumagamit ng FidoNet, naikonekta na ilang malalaking negosyo at nagkaroon ng e-mail (Smbea 1999a). Napakamahal ng teknolohiyang ito sa mga panahong iyon dahil pinapadaan sa isang dayuhang server at gumagamit ng long distance calls (Torres 2006, Smbea 1999b). Mahalagang taon ang 1993 nang pinulong ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga kinatawan ng mga malalaking pamantasan sa Pilipinas tulad ng Pamantasang Ateneo de Manila (ADMU), Pamantsang De La Salle (DLSU) at ang Unibersidad ng Pilipinas (UP Diliman at UP Los Baños) bilang Technical Committee noong Hunyo. Makalipas lamang ang isang buwan, limitadong naiugnay ang mga pamantasang ito sa Victoria University of Technology (Australia) mula sa ADMU sa pamamagitan ng Philnet Project (Smbea 1999a). Noong Marso 1994, ang UPD, ADMU, DLSU at ang Unibersidad ng San Carlos (USC) sa Cebu ay naging bahagi ng network na unang nakonekta sa internet sa pamamagitan ng CISCO 7000 sa Makati. Noong 29 Marso 1994, ang pinakaunang link ng Pilipinas sa internet sa Unang Pandaigdigang E-mail Conference sa USC Cebu. Isinilang na ang internet sa Pilipinas! (Smbea 1999a) Sa paglaon, magiging bahagi ng PHnet ang Advanced Science and Technology Institute (ASTI), Asian Development Bank (ADB), Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) noong Abril 1994; UPLB at DOST noong Mayo 1994; Industrial Research Foundation (IRF), Philippine Network Foundation, Inc. (PFI), Saint Louis University sa Baguio (SLU) at Xavier University (XU) noong Oktubre 1994; ang Mindanao State University (MSU), International Rice Research Institute (IRRI), Asian Institute of Management (AIM), at PDX noong Hunyo 1995 (Smbea 1999a). 13 ng Abril 1994 nang isulat ang PHnet Basic Principles at ang Internet Code of Conduct. Makalipas ang halos isang taon lamang, Marso 1995, nang malagdaan ang Public Telecommunications Act of the Philippines (Republic Act 7925), na nagpapahintulot sa mga kumpanyang telecom na mag-alok ng serbisyo nang hindi na kailangan ang prankisa mula sa Kongreso (Smbea 1999a). Naging tagapanguna ng Cyberspace sa Senado ng Pilipinas ay si Sen. Ramon “Jun” B. Magsaysay, Jr. na pinagtuunan ang IT at E-commerce bilang bahagi ng kanyang legislative agenda. Naging akda siya ng Cybercrime Act at ng batas na nagpapsok sa Computer Literacy bilang bahagi ng pinag-aaralan sa primarya at sekundaryang edukasyon (Senate). Hunyo 1994 nang itatag ni Dr. William Torres ang pinakaunang Internet Service Provider (ISP), ang Mosaic Communications (Mozcom). Itinuturing ng marami si Dr. Torres bilang isa sa dalawang “Ama ng Internet sa Pilipinas” kasama ang Administrador ng PHnet Phase II na si Dr. Rodolofo Villarica (Smbea 1998b) (Ayon pa si isang artikulo, si Dr. Torres ang Lolo ng Internet sa Pilipinas—Villafania 2004). Instrumental din sa pagtatag ng Internet ang Kalihim ng DOST sa mga panahong ito na si G. William Padolina.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 7

Mula Hunyo hanggang Agosto 1995, itinatag ang iba pang mga ISP tulad ng IBM Philippines, Globe Telecom's G-Net, Infocom's Sequel.Net, Iphil Communications, at Tridel Net. Sa mga panahong ito itinatag din ang mga Commercial Online services tulad ng Virtual Asia at Cybernet Live, na kinalaunan ay naging mga ISP rin. Mga bandang 1996, papasok ang mga dayuhang ISP tulad ng Asia Online (nakabase sa Hongkong) at Pacific Internet (nakabase sa Singapura) na nakabili Philworld; Nagsama ang Bayantel at Sky Internet upang ibahagi ang United Network Access (UNA); at nabuo ang Philippine Internet Services Organization (PISO) (Smbea 1999a). Hunyo ng 1996, konektado na sa Cisco 7000 sa Makati ang mga lungsod ng Cebu, Zamboanga, Sorsogon, Davao, Bacolod, Legaspi, Naga. Sa mga huling bahagi ng taong ito, itinatag ang Philippine Internet Exchange (PHIX). Pagdating ng 1997, ayon sa The International Data Corporation (IDC), tinatayang mayroon nang 85,000 ang gumagamit ng internet sa Pilipinas, at sa Agosto ng taon ding iyon, mayroon nang 1,090 PH Domains. Ang mga malalaking network ng medyang pambalana tulad ng ABS-CBN (ABS-CBN Interactive Web Site) at GMA (GMANetwork.com) at mga pahayagan tulad ng Businessworld Online, Manila Bulletin, Philippine Star, Manila Times at Philippine Daily Inquirer ay nasa internet na rin. Nagkaroon din ng bagong porma ng medya, ang cybermags tulad ng 1969, Internet World Philippines, The Web Philippines at Link. Itinatag rin ang Philippine Network Information Center/Infrastructure Consortium (PHNIC), Philippine Computer Emergency Response Team (CERT-PH), at mga grupo ng mga gumagamit ng internet tulad ng PhilJUG (java) , PhilPlug (Linux), ISiP (Internet Society of the Philippines), at APRICOT (Asia-Pacific Region Internet Conference on Operating Technology). Noong Disyembre ng 1998, inilunsad ang pinakaunang Philippine Webby Awards (Smbea 1999a). Mula noon, naging mabilis na ang pag-unlad ng internet sa Pilipinas. Ayon sa Wikipinoy of the Year 2007 para sa Science and Technology na si Yuga, sa taong 2000, tinataya ng Internet World Stats sa 2 Milyon na ang gumagamit ng internet sa Pilipinas. Sa taong 2005, lolobo ito sa 7.82 Milyon (Yuga 2006). Sa pagsisimula ng Dekada 2000, winakasan ang deka-dekadang tradisyon ng pila sa pagpapatala sa Unibersidad ng Pilipinas nang ipakilala nito ang Computerized Registration System o CRS. Sinimulan din itong gamitin upang magpahayag ang iba’t ibang pulitikal na pormasyon at mga nakikibaka na kadalasan ay hindi nagbibigyan ng pansin sa komersyal na medya. Naging pantapat din ito sa bahagyang pagsupil sa komersyal na media ng pamahalaang Estrada at nagamit din noong EDSA 2 noong 2001 (PCIJ 2001). Ayon sa isang Pilipinong estudyante sa Australia na si Natasha Ria Cruz, makikita rin ang kapangyarihan ng Cyberspace upang isulong ang mga magagandang hangarin, maging ang mga hindi kagandahan:

Real-world issues, movements, and institutions have also taken on different forms. The rise in the number of cases of cyber bullying suggests that bullying is no longer confined within the walls of a school. Political activism and petition signing have also taken on an online presence. Tertiary institutions now offer online programs where you could get a university degree without stepping on campus. Even terrorist groups have used the Internet as a source of publicity, recruitment and maintaining a global network (N. Cruz 2008).

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 8

Isang taon matapos ilunsad ang Friendster, ang isa sa pinakaunang social networking site sa daigdig, ay bumulusok pababa ang popularidad nito sa America. Sa kwento ni Chris Lunt, ang Direktor ng Inhenyeriya ng Friendster, sa PBS:

Lunt wondered why Friendster’s web traffic was spiking in the middle of the night, and noticed that the traffic was coming from the Philippines. According to Inc., he worked backwards, looking for “patient zero,” the first American who linked to a Filipino, and found Carmen Leilani De Jesus, a marketing consultant and hypnotherapist in San Francisco. She connected to dozens of Filipinos, and eventually more than half the site’s traffic was from Southeast Asia. (Maderazo 2007)

Naging “Friendster Capital of the World” ang Pilipinas. Ayon kay David Jones, Pangalawang Pangulo para sa Global Marketing ng Friendster, “the biggest percentage of (their site's) users is from the Philippines, clocking in with 39 percent of the site's traffic.” Wika niya, noong Marso 2008 lamang, pumalo sa 13.2 Milyon ang mga unique visitors ng kanilang sayt, 13.2 Milyon mula dito ay nagmula sa Pilipinas (T. Salazar 2008). Maging ang Multiply ay dinominahan na rin ng mga Pilipino. Ayon sa Pangulo at Tagapagtatag nito na si Peter Pezaris, 300 Milyong page views sa bawat buwan, o tinatayang ikatlo (39%) sa isang bilyong page views na natatanggap ng multiply, ay mula sa mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Mas mataas pa sa Estados Unidos kung saan nakabase ito (Dizon 2008). Ang Multiply ang ika-limang pinakamalaking sayt na pinupuntahan ng mga Pilipino, na may tinatayang 2 Milyong gumagamit sa bawat buwan (Gonzales 2007). Sa isang 2008 na pag-aaral ng Universal McCann, ang Pilipinas ay ipinroklama bilang “the social networking capital of the world,” 83 % na mga tinanong na Pilipino ang nagsabing bahagi sila ng social network (Universal McCann 2008). Tayo rin ang pinakamaraming mag-upload ng mga larawan at manonood ng bidyo, habang pumapangalawa naman tayo sa bilang ng mga mambabasa ng blog at naglalagay ng bidyo (Liao 2008). Sa 7.9 Milyong gumagamit ng internet sa Pilipinas, 6.9 Milyon ang nagsasabing bumibisita sila sa isang social networking site ng kahit isang beses isang buwan (Yazon 2007). Ang popularidad ng mga ito ay lubos na magagamit sa Halalang Senatoryal ng 2007 kung saan maraming pulitiko ay sinamantala ang pagkakataoan at gumamit ng Friendster, Mulitiply at MySpace upang magpalawak ng exposure. Binanggit ni Janette Toral, may-ari ng bahay-dagitabvi na DigitalFilipino.com na sa 2008, tinataya ng ACNielsen na ang mga gumagamit ng internet sa Pilipinas ay aabot sa 24 na milyon, na lalo pang lalaki sa pagdami ng mga murang kompyuter. Ayon sa Siemens, magkakaroon ng 1 Milyong Pilipinong broadband subscribers sa taong 2009. At 16 na Milyong Internet gamers sa Pilipinas pagdating ng 2010 (Toral 2007). Anumang ang bilang, hindi mapagkakaila na sa kabila ng medyo mataas pa rin ang presyo ng internet, hindi na lamang nalilimita sa mayayamang Pilipino ang paggamit nito (Sa kabila nang mayorya pa rin ng gumagamit nito ay ang mga maykaya). Lumaganap na ito lalo sa mga nag-aaral na nagnanais makipag-ugnay at kumuha ng impormasyon. Nito lamang isang linggo, 19 Agosto 2008, Martes, sa isang maliit na internet shop sa Krus na Ligas, Diliman, Lungsod Quezon nakasabay ko ang napakaraming mga kabataan na elementarya na gumagamit ng

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 9

Friendster. Sa kanilang kasuotan, makikita mong hindi naman ganoon karami ang kanilang pera, ngunit nandun sila, nakikipagtalastasan sa mga kaibigan. Noon lamang 24 Agosto, Linggo, nang magpunta ako sa Banahaw, sinabi sa akin ng aking kaibigan doon na nakita niya ang aking blog na kanyang ikinagulat. Ipinapakita ng karanasang Pilipino ng Cyberspace ang demokratisasyon ng pagbabahagi ng kaalaman at talastasan, lalo na sa mga kabataan. Ilang taon lamang ang nakakaraan, dominado ng komersyal na medya at palimbagan ang pagkalat ng impormasyon, at dahil sa maliit na oras na binibigay sa mga isyu, hindi napapalalim ang mga ito. Ngunit ngayon, ang kahit na sinong mamamayan ay maaaring magpahayag ng sariling pananaw at kaalalaman at may pagkakataon ang lahat na mabasa ito. Sa katunayan, maraming bahay-dagitab at fora ang nagtatangkang magpalalim ng gagap sa mga isyu, lalo na sa kasaysayan (Tatalakayin sa susunod a bahagi). Ano ba ang meron sa ating kultura at kasaysayan at naging popular sa atin ang Cyberspace? Ayon sa pangulo ng Multiply na si Pezaris, ito ay dahil sa malakas na diin natin sa pamilya at samahan (Dizon 2008). Ayon sa pananaw ni Leilani de Jesus, ang Amerikanong unang nagpakilala ng Friendster sa mga Pilipino, na mababasa sa PBS:

“I personally think that Friendster took off in the Philippines because that’s a culture where friendship and ‘who you know’ is sometimes a more valuable currency than money,” she wrote on her blog. “Basically everyone has an ‘uncle’ or a ‘friend’ or a ‘relative’ who can help you get what you need based on nepotism, favoritism, friendship, etc., because not everyone has money. ‘But if you do me a favor, I’ll owe you a favor.’ This is why friendship is important, and why a platform like Friendster, which was a ‘friend-collecting’ service, took off so rapidly in the Philippine culture.” (Maderazo 2007)

Bagama’t may punto, tila binigyang diin ang negatibong aspekto ng kulturang Pilipino. Maaaring mapalalim ang pananaw kung ibabatay natin ang pagtasa batay sa ating sariling kasaysayan at kultura. Sa isang naunang pag-aaral (Chua 2007b), naging karagdagan ni Prop. Vicente Villan bilang komento na kailangang ugatin pa ang pagkahilig natin sa Cyberspace sa mga sinaunang mga pasalitang tradisyon ng ating mga ninuno (Villan 20 Nobyembre 2007). Kung paghahambingin ang dalawa, makikita na bagama’t ang mga blog ay nakasulat, tila may elemento pa rin ito ng pasalitang tradisyon at pinasa-pasang kwento—walang pag-aalala sa porma at paggamit ng wika na tulad sa mga nakasulat na dokumento. Sa nakalipas na tatlong dekada, nakita natin ang paggamit sa mga ganitong impormal na uri ng batis sa pagbakas ng nakaraan na sinimulan nina Zeus Salazar, Reynaldo Ileto, Teresita Maceda at iba pa. At lumaganap lalo sa Agham Panlipunang Pilipino (Pantayong Pananaw, Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya) na nagbibigay ng diin sa bawat ordinaryong mamamayan bilang sisidlan ng kalinangan, kung gayon, ang Kasaysayan ay hindi na lamang dapat mapako sa kasaysayan ng mga pinuno at pangulo. Dalawa lamang sa mga halimbawa ng pagtatangkang gawin ito ukol sa cyberspace: Ang pananaw ng kabataan ukol sa historiograpiya ng Pantayong Pananaw ay aking

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 10

tinangkang repasuhin batay sa mga sinusulat sa internet (Chua 2007b), at si Dr. Salazar naman ay ginagamit ang mga sulating erotica sa internet upang ipakita na nagpapatuloy pa rin ang kamalayan sa mga sinaunang konspeto ng Libog, Buhay at Ginhawa. Sa aming pag-uusap sa Bundok Banahaw nitong nakaraang 24 Agosto 2008, iminungkahi ni Prop. Villan ang isang pagtatangka na ang mga pag-aaral ng cyberspace sa Pilipinas ay dapat pag-ugnayin sa antropolohikal na batayan, para makita ang solid na grounding. Sa kanyang pagpapalawak ng konsepto ng KAPWA ni Virgilio Enriquez, binigyan niya ng historikal na batayan ang konsepto batay sa kanyang mga pananaliksik para sa kanyang disertasyong doktoral ukol sa Kabisayaan:

Kita mo yung mga pulitiko sumasabay sila sa internet. Maraming anggulo yan socialization, anthroplogically pag sinuri mo ang socialization, kapag nag-usap tayo, pinag-usapan natin ang ating pagiging tao at pagkatao, anthropological basis ng pakikipag-ugnayan sa Cyberspace..... Pagiging tao, pag-uusapan niyo dyan ang pisikal na bagay, biological yan e, “maganda ka” Bahagi ng ekspresyon ng pagiging tao. Kasi ang pagkatao, yan na yung may kinalaman sa identity, culture, history. ...Tapos kapag pinag-usapan mo na yung culture, society,and history, kakapain mo na ang sikolohiya. Kaya makikita mo na, papasok ka na hindi ka lang basta nagpapahayag, hindi ka lang basta nagkukuwento, kasi yung pagkukwento, pag-uusap niyo, pakikipag-kapwa yun. Culture yun. Tapos siya rin, ganoon din ang ginagawa sa iyo, kasi ang objective natin sa usapin ng pakikipag-kapwa ay magbubukas ako ng aking loob, para magbukas ka rin ng iyong loob para magkakaroon kayo ng puwang sa isa’t isa. Maunlad yung sikolohiya natin ng pakikipagkapwa, kaya kinukwento mo. Bahagi yun ng pakikipag-ugnay, inaabot mo yung, kinakapa mo, inaabot mo, yung loob ng iba. Bahagi ng pagbubukas ng loob yung pagkukwento. Para ’pag nagkwento ka, magbubukas din siya ng loob mo, para maging bahagi kayo ng isang loob. Pag magkaloob na kayong dalawa, mayroon na kayong batayan sa kaisahan. Nagpapagaan kasi yan ng loob, usapin ng ginhawa, kagaanan ng kalooban, na-eexpress mo. Usapin ng pakikipagkapwa, pakikipagkwento at usapin din ng ginhawa, kasi gumagaan ang loob mo dahil sa kanya. Tapos, usapin din ng gahum (kapangyarihan), kasi pag may kausap ka na, mayroon ka ng kapanalig, kagaanan mo ng loob.... Dahil pareho ang inyong loob, pareho na kayo ng pakiramdam, kasi nadama mo na, yung pandama, nalasahan mo na ba, na ito yung gusto niya, ito yung gusto ko. May link na kayo sa isa’t isa. Tapos maging bahagi yun ng relasyon niyo bilang magkapwa tao at ang next level ng pakikipagkapwa tao ay yung pagiging matalik na magkaibigan.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 11

Ang kapwa tao mo ay yung kapanalig mo rin. Kapag nagpahayag ka ng damdamin mo, hindi lang basta nagre-release ka ng sentimiyento mo, kundi kino-convince mo din yan na maging kapanalig mo. Kapag naging kapanalig mo na siya, o katalastas mo na siya, dun na papasok yung mas mataas na lebel na ang tawag sa Bisaya pakiki-ugyon, pakikiisa. Papasok na ang pakikiisa. Pag magkadamdamin na kayo, may pakikiisa. Pag may pakikiisa, may pag-aalay na ng buhay, mas mataas ng lebel ang tawag ng Bisaya ’dun pag-unong. Kasi kapanalig na kita, pareho na tayo ng bituka, mag-aalayan tayo ng buhay sa isa’t isa. Kasi pareho lang tayo ng bituka, pareho na tayo ng kolooban, ideolohiya, pananaw, kahit may mga bagay na akin, binibigay ko sa iyo, yung sa iyo, binibigay mo sa akin. ...So ibig sabihin, magiging kapanalig mo na rin siya at magiging kakampi. Hanggang hahantong iyon sa kapatiran, ang tawag ng mga Bisaya, pakikipag-anghud. Yan ang batayan ng pagbubuo ng bayan, proyekto ng Cyberspace bahagi ng pagbubuo ng bayan (Villan 24 Agosto 2008).

Kung hindi naging hadlang ang karagatan at mga ilog sa sinaunang mga bayan, bagkus ay ginamit pa ito upang lalong mapatibay ang pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng kulturang maritima, pakikipagkalakalan at pakikipag-sandugo, hindi kaya maaaring ang cyberspace ang magbuklod sa maraming Pilipino, hindi lamang sa sangkapuluang ito kundi maging sa ibang bansa, batay sa kapatiran sa Inang Bayan? Makikitang halimbawa sa pag-aaral ni Judith Balares-Salamat ukol sa mga Bikolano sa Estados Unidos na sa pamamagitan ng cyberspace ay nag-uugat sa Kabikulan (Salamat 2008), na nagiging bahagi pa rin sa Talastasang Bayan ang diaspora sa pamamagitan ng teknolohiyang ito. Kung may pag-unlad at pagyaman na nagaganap sa Pilipinas, masasabing isa na ang cyberspace at ang kulturang tinatagalay nito sa mga ito. Ngunit sa kabila ng mungkahing pagtingin na ito sa pakikipagkapwa at pagkakaisa sa internet, hindi pa rin dapat isawalang-bahala ang paggamit ng mga may makasariling interes at masasamang loob sa Cyberspace para sa panlilinlang. Nang unang basahin ang papel na ito sa Ika-17 na Pambansang Kumperensya ng UP LIKAS na may temang “Makabagong Umalohokan: Ugnayan ng Kasaysayan at Mass Media,” noong umaga ng ika-27 ng Agosto, 2008, NISMED Auditorium, UP Diliman, Lungsod Quezon, nagbigay ng kritisismo at mungkahi ang historyador na si Atoy Navarro sa maaari pang pagtuunan ng Kapanahong Kasaysayan sa Cyberspace:

Una binabati ko si Xiao dahil sa larangan ng Kasaysayan, si Xiao ang unang sumulat sa Cyberspace at sa Internet. ...Bagamat malakas yung pag-idealize natin sa internet at sa Cyberspace kailangan ding maging maingat talaga. Kahit halimbawa yung ginamit ni Prop. Chua na idea ng pakikipagkapwa, na ang internet ay daan para sa pakikipagkapwa. Pero sa internet din maraming naloloko, maraming nagiging biktima sa internet. May diskurso din yan ng iba yung harapan, sa internet, halimbawa sa chat na hindi ka nakikita. So mayroon

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 12

ding pagbabalatkayo na pwedeng mangyari na maaring labag sa idea natin ng pakikipagkapwa. The same way na binanggit ni Prop. Chua na maaaring paraan ang Cyberspace sa pagbubuo ng bansa, pero para din siya sa pagde-deconstruct ng bansa. Yun nga, mahirap na masyadong i-idealized yung Cyberspace at internet, dahil mapanganib din siya. ...kasi kung titingnan natin, minority yung developing countries sa discourse ng internet. Particularly, information is mostly in English—European/American perspective. Mayroon tayong mga areas na linamangan, Friendster, Multiply, ok yan. Andyan, Tagalog, and then yung iba’t ibang wika sa Pilipinas, pero sa pangkalahatan pa rin, mapanganib pa rin yung Cyberspace at Internet. So, yun lang, pwede siyang daan sa pakikipagkapwa, pagbubukas ng loob, pero pwede rin siyang paraan para sa pagbabalatkayo, panloloko. Pwede siyang paraan sa pagbubuo ng bayan, pagbubuo ng bansa, pero paraan din siya para i-deconstruct, lalo pang paghati-hatiin, pag-away-awayin ang mga Pilipino... (Navarro 27 Agosto 2008)

Ngunit ayon kay Navarro, may napakagandang makikita sa talastasan ukol sa Kasaysayan sa Cyberspace:

...Sa academic discourse, mas mabilis ang internet at Cyberspace. Ang daming pagdedebate tungkol sa mga akademikong mga usapin sa internet at academics yung nagde-debate. Samantalang kung hihintayin mong lumabas yung jornal, yung sagot nung isang historyador doon sa sinabi nung isang historyador, aabutin ng taon-taon. Samantalang sa internet, nagsulat si Salazar, hindi ka agree, babanatan mo kaagad. Pwede kayong magtalo-talo doon. At nababasa niyong lahat kung ano ang points of differences ninyo, ano yung pagtatagpo ninyo. Isa ring positive yun ng internet sa Cyberspace sa larangan ng Kasaysayan... (Navarro 27 Agosto 2008)

Ito ang tatalakayin ng susunod na bahagi ng papel na ito.

IV. KASAYSAYAN SA CYBERSPACE: BISA SA PAG-AARAL, PANANALIKSIK, AT

PAGTUTURO NG KASAYSAYAN NG PILIPINASvii

Ang cyberspace ay hindi lamang naglalaman ng kaisipan at karanasan ng bayan, isa rin itong sisidlan ng mga salaysay (narratives) ng nakaraan ng mga Pilipino. Mayaman ito sa batis at materyales. Sa katunayan, marami sa mga mapanghawing-landas na artikulo ukol sa mga pinakabagong iskolarsyip mula sa mga pinagpipitaganang jornal sa Kanluran ay maaari nang makita sa Journal Storage: The Scholarly Journal Archive (http://www.jstor.org na sa kasamaang palad ay may bayad) at iba pang bahay-dagitab. Sa katunayan, nagsimulang isadagitab (digitize) ng JSTOR ang mga artikulo ng jornal simula pa

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 13

noong 1995 (Schonfeld 2003). Maganda ito sapagkat marami sa mga aklatan sa Pilipinas, ay hindi naa-update ang mga jornal. Sa kabila nito, mas maraming artikulo kaugnay ng mga teorya at bagong tuklas ukol sa kasaysayan ng Pilipinas ang hindi pa matatagpuan sa internet. Sa kabila nito, marami-rami na ring materyales ukol sa kasaysayan at mga pangyayari sa Pilipinas ang matatagpuan sa cyberspace at mainam na gamitin. Ang listahan sa ibaba ay ilan lamang sa mga bahay-dagitab na maaaring magamit sa pag-aaral at pananaliksik ng kasaysayan: � Project Gutenberg (http://www.gutenberg.org) –– ipinangalan sa pinakaunang

tagapaglimbag sa daigdig, ang bahay-dagitab ay sinimulan ni Michael Hart noon pang 1971, ang pinakamatandang online library sa daigdig. Noong Oktubre 2007, sinasabing mayroon na itong 22,000 mga lumang aklat na nasa public domain sa kanilang koleksyon (Hart 2007 at Thomas 2007). Kabilang sa mga ito ang ilang mahahalagang akda ukol sa Pilipinas, halimbawa, ang Doctrina Cristiana (ang pinakaunang aklat na inilimbag sa Pilipinas); mga salaysay nina de Comyn, Jagor, Virchow, Foreman, at Worcester; ang True Version of the Philippine Revolution ni Aguinaldo; ang klasikong akda ni Craig ukol kay Rizal; at Tomo I hanggang XXIV ng The Philippines Islands: 1493-1898 nina Blair at Robertson.

� Filipiniana.net (http://www.filipiniana.net) –– itinatag nitong 2006 ni Gus Vibal ng Vibal

Publishing House, Inc., iniipon ng bahay-dagitab na ito ang iba’t ibang mga materyales ukol sa kasaysayan ng Pilipinas –– mga larawan, dokumento, sanaysay, at iba pa –– karamihan sa mga ito ay primaryang batis. Ilan sa mga ito ay ang lahat ng mga naging Saligang Batas ng bansa, mga dokumento ukol sa himagsikang Pilipino (Philippine Revolutionary Records), at marami pang iba. Ang kaibahan ng Filipiniana.net sa Project Gutenberg ay nilalagyan nila ng abstrak ang bawat dokumento. Madali ring gamitin ang search engine nito. Narito rin ang iniwasto at nilagyan ng mga tala na edisyon ng Blair at Robertson. Ayon kay Gus Vibal, “This digital library is fully-indexed, fully searchable, and we have librarians working with us to write the subject headings” (Lim, 2007). Isa sa mga patnugot ng bahay-dagitab na ito ay ang UP LIKAS alumnus na si Prop. Raymund Arthur Abejo.

� Mga Kasaysayan ng PINAS: Pundar Pang-Pilipino (http://www.elaput.org) –– isang

bahay-dagitab na sinimulan ni G. Ernesto Laput na pangunahing tumutugon sa pangangailangan ng mga migranteng Pilipino na mag-ugat sa sariling bayan. Ilang mga mahahalagang primaryang batis, lumang aklat at sanaysay ukol sa iba’t ibang paksa ang matatagpuan dito. Ayon sa kanya, ang mga dokumentong inipon niya sa kanyang bahay-dagitab at ang kaakibat na aklat na PINAS: Munting Kasaysayan ng Pira-Pirasong Bayan ay:

Tinipon at isinalin sa Tagalog upang huwag antukin ang mga bumabasa. Isa pang dahilan, upang maiba naman at marami nang Philippine history na nakasulat sa English. Panghuli, upang maunawaan ng mga walang pambili ng bagong aklat o hindi bihasa sa English o sa Espanyol ang mga mali at kulang-kulang na itinuro sa paaralan (Laput 2007).

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 14

� Wikipedia (http://en.wikipedia.org at http://tl.wikipedia.org) –– ang pinakamalaking open source na ensiklopedya sa buong cyberspace at mayroon ng iba’t ibang bersyon sa 250ng wika sa daigdig. Sinimulan ito noong 2001 at nagtataglay ng humigit-kumulang 9 na milyong artikulo (Wikimedia Foundation, 2007). Ito ang isa sa mga unang-unang lumalabas kapag humahanap ng paksa sa mga search engine na google.com man o sa yahoo.com. Lahat ng tao ay maaaring magbahagi o magpalit ng anumang impormasyon kaya naman maraming nagsasabi na hindi katiwa-tiwala ang nilalaman ilang artikulo nito. Ang kagandahan ng Wikipedia ay marami sa mga artikulo nito ay may dokumentasyon na maaaring sangguniin ng mga nais magpalalim ng pag-aaral. Subalit dapat ginagamit lamang ang Wikipedia bilang tuntungan sa paghahanap ng mga mas may kredibilidad na batis at hindi dapat ito ang pangunahing binabanggit sa mga akademikong papel, lalo na sa mga tesis at disertasyon (Young 2006), liban na lamang kung Wikipedia mismo ang paksa ng pag-aaral, o dili kaya kung ang tala ay nagmula sa isang opisyal na batis. Sa ganitong pagkakataon, dapat ipaliwanag kung bakit binabanggit ang isang artikulong Wikipedia.

� Ang mga bahay-dagitab para sa partikular na mga paksa sa Kasaysayan ng Pilipinas. Ilan

lamang sa mga halimbawa nito ang José Rizal Website ng José Rizal University (http://www.joserizal.ph), The Diaries of José Rizal ni Pupu Platter (http://rizaldiaries.blogspot.com), Bonifacio Papers ni Pupu Platter (http://bonifaciopapers.blogspot.com), Katipunan: Documents and Studies ni Jim Richardson (http://kasaysayan-kkk.info); The Philippine-American War, 1899-1902 ni Arnaldo Dumindin (http://www.freewebs.com/philippineamericanwar), Corregi-dor, 503, Heritage Batallion (http://corregidor.org), Tribute to Ninoy ni Arnold Barredo (http://www.tributetoninoy.tk), Marcos Foundation (http://marcospresidentialcenter.com), The 1986 EDSA Revolution Website ng Thinkquest Team (http://library.thinkquest.org/15816) at maraming marami pang iba. Maaari ring bisitahin ang ilang blog tulad ng Punditry, Politics, History, Commentary ni Manolo Quezon (http://www.quezon.ph), Philippine Commentary ni Dean Jorge Bocobo (http://philippinecommentary.blogspot.com), at ang Filipino Librarian ni Vernon R. Totanes (http://filipinolibrarian.blogspot.com) para sa kanilang madalas na pagbabalik-tanaw sa nakaraan.

� Ang mga bahay-dagitab ng mga peryodiko, magazin, at istasyon ng telebisyon,

halimbawa ang Philippine Daily Inquirer (http://www.inquirer.net), Time Magazine (http://www. time.com), Cable News Network (http://www.cnn.com), at iba pa, ay mainam rin sa pananaliksik ukol sa mga pangyayari nitong nakaraang siglo at maging sa mga maiinit na isyu. Mayroon silang artsibo o sinupan (archive) na maaaring kuhanan ng mga nakaraang artikulo o balita. Maaari nitong bawasan ang hirap ng pananaliksik sa maalikabok na artsibo o malabong mga microfilm reel. Mayroon ding mga historyador, tulad ni Ambeth Ocampo, ang nagsusulat ng mga kolum sa mga peryodiko at mababasa ang mga ito sa web.

� Ang Bahay-Dagitab ng Bagong Kasaysayan (http://bagongkasaysayan.multiply.com) ––

isang websayt para sa mga babasahin ukol sa Pantayong Pananaw, isa sa mga teorya sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas na dinalumat ni Dr. Zeus Salazar at patuloy na

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 15

pinapaunlad ng talastasan ng mga mas nakababatang historyador tungo sa isang tunay na maka-Pilipinong pananaw (Chua 2007b).

Subalit hindi lahat ng materyales dito ay maaaring gamitin bilang batis basta-basta. Kailangang maging mapanuri at magtanong: (1) Ang impormasyon ba ay magagamit sa paksa na hinahanap? (2) Ang impormasyon ba ay nagmula sa isang batis o eksperto na may kredibilidad? Maaaring gamitan ito ng kritikang panlabas at kritikang panloob na metodong pangkasaysayan:

Ang Kritikang Panlabas o kritika ng kapanaligan at katunayan ay may kinalaman sa pagkilala kung tunay tunay o di-tunay ang batis. Dumadaan sa pagtatakda ng pinanggalingan at pagwawasto ng batis o restitusyon... Sa pagtatakda ng pinanggalingan [o ang kapookan o konteksto]... Mahalagang magkaroon ng impormasyon tungkol sa petsa, kapaligiran, at may-akda o maylikha ng mga batis ...upang maipakita na tama, tumpak, o tunay at hindi huwad o peke ang mga batis... Sa mga nakasulat na batis maaaring hanapin ang petsa, kapaligiran, at may-akda sa mismong dokumento. Kung luma na ang mga nakasulat na batis, maaaring hanguin ang petsa, kapaligiran, at may-akda sa pamamagitan ng mga pag-aaral at pagsusuri ng papel, tinta, estilo ng sulat-kamay at pagsusulat, kataga, pananalita at wikang ginamit, at mga katangian, kaugalian, at tinukoy sa mismong dokumento... Higit na mahirap tiyakin ang petsa, kapaligiran at may-likha ng mga di-nakasulat na batis. Dito, kadalasan nangangailangan ng mga katulong na disiplina sa larangan ng agham pangkalikasan o syensya natural at teknolohiya upang maitakda ang pinanggalingan ng mga di-nakasulat na batis... Matapos ito, dumadaan sa pagwawasto ng batis o restitusyon upang maipanumbalik ito sa orihinal. Dito hinahanap ang mga pagkakamali batay sa pangkalahatang kapookan at konteksto ng mga batis na maaaring mapanumbalik at maiwasto. Maaari ring idagdag ang mga karagdagang tala hinggil sa kapookan at konteksto na hindi nakasisira sa kabuuang kalikasan at katangian ng mga batis... ...Ang kritikang panloob naman o kritika ng kapaniwalaan at katotohanan ay nagtatakda at nagsusuri sa mismong nilalaman ng tunay na batis upang tangkaing mapalitaw ang tiyak at tunay na kahulugan nito... ayon sa kapookan at konteksto ng mga ito ...magiging malinaw kung kapani-paniwala ang mga nilalaman ng batis. Kinakailangan din ang pagkagagap at pag-unawa sa mga pagbibigay ng kahulugan o pakahulugan upang mapalitaw ang mga nakatagong kahulugan na maaaring ikinukubli ng mga batis. Mahalagang mabatid ang mga maaaring iba’t ibang pakahulugan na inilapat sa mga batis sa agos ng panahon.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 16

...mahalaga ang pagkagagap at pag-unawa sa wika ng mga batis (Navarro 2000, 18-22).

Liban pa dito, sa kabila ng globalisasyon, kailangan pa ring maging mulat ang mag-aaral ng kasaysayan sa pook at kultura na pinanggalingan ng batis sapagkat ito ay nagtataglay ng bagahe o bias ng taong sumulat. Marami sa mga maling persepsyon ukol sa ating sarili bilang mga Pilipino ay nagmula sa mga primaryang batis na makadayuhan ang pananaw. Marami sa mga batis na ito ay siya ring mga batis na matatagpuan ngayon sa internet. Maging ang mga peryodiko ay may pananaw na taglay, halimbawa, dapat mulat ang mag-aaral na isinusulong ng CNN at iba pang mga ahensya ang interes ng Kanluran. Kailangan ding wastong banggitin ang mga batis mula sa cyberspace. Nang lumaganap ang paggamit ng internet, naging mas madali ang pangongopya (plagiarism) dahil sa madaling mag-copy and paste ng mga akda. Kaya naman, masasabi ring ang mga gurong masigasig ay madaling makadama kung ang isang akda ay kinopya lamang sa internet. At dahil sa search engine, mas madali itong matunton. Para sa mga guro sa kasaysayan, ang cyberspace ay mainam din gamitin upang lalong bigyang-sigla ang pagtuturo. Maaaring gumawa ng bahay-dagitab kung saan mailalagay ng guro ang iba’t ibang larawan, babasahin, maging mga audio at video file para madaling maabot ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng chat at fora, maaaring makipagtalastasan ng opinyon sa mga paksa sa kasaysayan maging sa labas ng mga klasrum. Maging malikhain at gamitin ng mahusay ang mga teknolohiyang ito. Sinasabing maganda ang hinaharap ng pag-aaral, pananaliksik, at pagtuturo ng kasaysayan sa cyberspace. Ibinandila ng pabalat ng Newsweek nitong nakaraang 26 Nobyembre 2007 na “Books Aren’t Dead (They’re Just Going Digital): Five Centuries After Gutenberg, Amazon’s Jeff Bezos is Betting That The Future of Reading is Just A Click Away.” Winika ni Bezos, nagtatag ng pinakamalaking bilihan ng aklat sa cyberspace, nang kanyang ilunsad ang produktong Kindle, “The vision is that you should be able to get any book –– not just any book in print, but any book that’s ever been in print –– on the Kindle, in less than a minute” (Steven 2007, 58) Anupaman, sa mga seryosong guro, mag-aaral, at mananaliksik ng kasaysayan, ang internet ay tuntungan lamang o isang paraan upang mapayaman ang pag-aaral. Ito ay hindi ang tanging mapaghahanguan ng batis. Kailangan itong samahan ng masinop na pananaliksik sa mga aklatan at arkibo para sa patuloy na pagpapalalim ng pagpapakahulugan ng kasaysayan.

V. PAGLALAGOM Sa panimulang pagtanaw na ito, makikita sa kasaysayan ng cyberspace at ng kasaysayan sa cyberspace ang katotohanan na ang kasaysayan ay para sa lahat. Gayundin ang katotohanan na ang lahat, kapwa ang mga dalubhasa, may hilig, interes, at estudyante ng kasaysayan, ay may pagkakataong makibahagi sa pagsusulat at paglikha ng kasaysayan.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 17

Makikita rin na maaaring maiintindihan ang batayang kultural ng cyberspace sa Pilipinas kung titingnan ito sa ating sariling konsepto ng Kapwa at Kapatiran, tungo sa tunay na Talastasang Bayan, at pagbubuo ng Sambayanang Pilipino sa loob at labas ng sangkapuluang ito. Gamitin ng lubos ang magagandang dulot nito sa talastasan subalit maingat pa rin sa mga panganib na dala-dala nito.viii Ika-3 ng Disyembre, 2007, 09:50 NG, #2046 Faculty Center, UP Diliman, Lungsod Quezon Nirebisa: Ika-27 Agosto 2008, 1:25 NU, 71C Ocampo St., UP Diliman, Lungsod Quezon

SANGGUNIAN Abbate, Janet (1999). Inventing the Internet. Cambridge: Massachusetts Institute of Technology. Bauer, Yehuda (1976). “Contemporary History – Some Methodological Problems.” History 61. Barraclough,Geoffrey (1967). “The Nature of Contemporary History.” An Introduction to Contemporary History. Harmondsworth: Penguin Books. Billedo, Cherrie Joy F. (2004) The Formation of Inter-Personal Attraction and Romantic Relationships on the Internet Relay Chat: An Exploratory Study. Di pa nalalathalang tesis mesterado (Sikolohiya), Unibersidad ng Pilipinas. Casiraya, Lawrence (2008, 8 Mayo) “RP has highest percentage of social network users,” Philippine Daily Inquirer. http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/infotech/view/20080508-135336/RP-has-highest-percentage-of-social-network-users----study. Chua, Michael Charleston B. (2007a). “Ang Imeldific: Representasyon at Kapangyarihan sa Sto. Niño Shrine sa Lungsod ng Tacloban,” sa Philippine Social Science Review, Enero 2008-Disyembre 2009, 57-93. Unang isinumite kay Dr. Maria Mangahas para sa klase ng Anthropology 219 (Special Problems in Museology), Pangalawang Semestre, 2006-2007 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Napili sa CSSP Summer Fellowships 2007 at binasa sa Talastasan Series 2008 ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya noong hapon ng ika-26 ng Pebrero, 2008 sa CSSP AVR 207, Palma Hall, UP Diliman. Binasa rin sa ikalawang araw ng Ika-18 Pambansang Kumperensya sa Kasaysayan at Kalinangan ng ADHIKA ng Pilipinas, Inc. na may temang “Mandala: Mga Salaysay ng Batas Militar” noong hapon ng ika-29 ng Nobyembre, 2007 sa Central Luzon State University, Muñoz, Nueva Ecija; at sa unang sesyon ng “Narratives of Display: The Graduate Student Talks at the UP Anthropology Museum” (bahagi ng pagdiriwang ng pagbubukas ng bagong UP Museo Anthro), Bulwagang Palma, UP Diliman, Lungsod, hapon ng ika-28 ng Pebrero, 2007.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 18

__________ (2007b, Nobyembre 20). “Global Pantayo: Ang Diskursong Pantayong Pananaw sa Cyberspace sa Ika-21 Dantaon.” Papel na binasa sa Ikalawang Pambansang LIKAS-BAKAS Sampaksaan sa Bagong Historiograpiyang Pilipino: Pantayong Pananaw at Bagong Kasaysayan sa Ika-21 Dantaon, College of Engineering Theater, UP Diliman. __________ (2008). “Kas Online: Ang Bisa ng Cyberspace sa Pag-aaral, Pananaliksik, at Pagtuturo ng Kasaysayan.” Atoy M. Navarro, Alvin D. Campomanes, John Lee P. Candelaria, eds, Kaalaman at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Kasaysayan. Lungsod Quezon: UP Lipunang Pangkasaysayan, 23-30. Croce, Benedetto (1937, 2000). History as the Story of Liberty, trans. Sylvia Sprigge, rev. Folke Leander and Claes G. Ryn. Indianapolis. Cruz, Isagani R. (1997) “Ang Filipino sa Internet,” Daluyan. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino, VIII (1-2): 69-74. Cruz, Natasha Ria (2008, 19 Hunyo), “Youngblood: Heart in cyberspace,” Philippine Daily Inquirer. http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20080619-143480/Heart-in-cyberspace Dizon, David (2008). “Filipinos are top Multiply users,” Abs-cbnNEWS.com. http://www.abs-cbnnews.com/storypage.aspx?StoryID=122302. Gabriel, Nancy Kimuell (2007). “Mam, Totoo Po Bang Hindi Nag-exist si Bonifacio? (Isang Medyo Seryosong Sagot sa Hindi na Cute na Tanong).” Hindi nailathalang draft ng isang artikulo. Gonzales, Nick (2007, 7 Nobyembre). “Multiply Big In The Philippines, Lands Ad Deal.” http://www.techcrunch.com/2007/11/07/multiply-big-in-the-philippines-lands-ad-deal/. Hart, Michael (1992, Agosto). “Gutenberg: The History and Philosophy of Project Gutenberg.” Project Gutenberg Website. http://www.gutenberg.org/wiki/Gutenberg:The_History_and_Philosophy_of_Project_Gutenberg_by_Michael_Hart. ICOPHIL (2008, 23-26 Hulyo). International Conference on Philippine Studies. Programme and Book of Abstracts. Lungsod Quezon. Kunting, Ayshia (2008, 7 Agosto). Pakikipagtalastasan. Laput, Ernesto (2007, Disyembre 10). “PINAS: Munting Kasaysayan ng Pira-Pirasong Bayan.” Mga Kasaysayan ng PINAS: Pundar Pang-Pilipino. http://www.elaput.org/pinsmain.htm. Liao, Jerry (2008, 20 Mayo). “The Philippines - Social Networking Capital of the World.” Manila Bulletin. http://www.mb.com.ph/issues/2008/05/20/TECH20080520124703.html.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 19

Lim, Ronald (2007, Hunyo 9). “Filipiniana.net: Library 2.0.” The Manila Bulletin Online. http://www.mb.com.ph/issues/2007/06/09/ YTCP2007060995585.html. Mayer, Christina. “What is Contemporary History” (Papel na isinulat para kay Prop. Dr. Chester Pach noong Taglagas ng 2000 para sa klaseng Contemporary History 601 sa Ohio University). http://oak.cats.ohiou.edu/~cm322900/whatischi.html. Navarro, Atoy (2000). ”Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan.” Bagong Kasaysayan: Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 11. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi. __________ (2008, 27 Agosto). Malayang Talakayan sa Ika-17 na Pambansang Kumperensya ng UP LIKAS na may temang “Makabagong Umalohokan: Ugnayan ng Kasaysayan at Mass Media,” umaga ng ika-27 ng Agosto, 2008, NISMED Auditorium, UP Diliman, Lungsod Quezon. Maderazo, Jennifer Woodard (2007, 15 Hunyo). “Orkut, Friendster Get Second Chance Overseas.” PBS.org. http://www.pbs.org/mediashift/2007/06/try_try_againorkut_friendster.html. PCIJ (2002). People Power Uli! Lungsod Quezon: Philippine Center for Investigative Journalism. Pertierra, Raul, et.al. (2002). “Txt-ing selves: Cellphones and Philippine Modernity.” Maynila: Palimbagan ng Pamantasang De La Salle. Pertierra, Raul (2003). “Science, Technology and Everyday Culture in the Philippines.” Lungsod Quezon: Institute of Philippine Culture, Pamantasang Ateneo de Manila. __________ (2004). “Globalism, Culture and the Nation-State,” Philippine Studies 52(1):119130. __________ (2006). “Transforming Technologies: Altered Selves–Mobile Phone and Internet Use in the Philippines,” De La Salle University Press, Manila. __________ (2008). “Comments and Approaches to Philippine Studies.” Binasa sa International Conference on Philippine Studies, Lungsod Quezon. Philippines Internet Review Blog (2007, 5 Enero). “Dr. William Torres - Father of the Philippine Internet” (Panayam kay Dr. Torres). http://philippineinternetreview.blogspot.com/2007/01/dr-william-torres-and-philippine.html. Quittner, Joshua (1999, Marso 29). Network Designer: Tim Berners-Lee. Time, 150 (22), 126-128. Salamat, Judith Balares (2008) “Blogs and Blogging: Writing in the Diaspora.” Binasa sa International Conference on Philippine Studies, Lungsod Quezon.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 20

Salazar, Tessa (2008, 22 Hunyo). “Filipinos are prolific, go and Multiply.” Philippine Daily Inquirer, A1, A10. Senate of the Philippines (w.p.). “Senator Ramon B. Magsaysay, Jr.” http://www.senate.gov.ph/senators/sen_bio/magsaysay_bio.asp. Salazar, Zeus A. (2005) Pangulong Erap: Biograpiyang Sosyopulitikal at Pangkalinangan ni Joseph Ejercito Estrada, Tomo 1 Pinunong Bayan: Tungo sa Hamon ng EDSA II. San Juan, Metro Manila: RPG Foundation, Inc. __________ (2007, 11 Hulyo). Pakikipagtalastasan. __________. (2008, 16 Enero). Pakikipagtalastasan. Schonfeld, Roger (2003). JSTOR: A History. Princeton: Princeton University Press. Smbea (Sherry Ma Belle Arrieta) (1999a). “The Unofficial Philippine Internet Timeline.” Wired! Philippines. http://www.msc.edu.ph/wired/timeline.html. __________ (1999b), “Dr. Rodolfo Villarica, Father of Internet in the Philippines.” Wired! Philippines. http://www.msc.edu.ph/wired/drvillarica.html Steven, Levy (2007, Nobyembre 26). “The Future of Reading.” Newsweek, 150 (22), 52-59. Thomas, Jeffrey (2007, Hulyo 20). “Project Gutenberg Digital Library Seeks to Spur Literacy: Library Hopes to Offer 1 Million Electronic Books in 100 Languages.” US Info. http://usinfo.state.gov/xarchives/display.html?p=washfile-english&y=2007&m=July&x=200707201511311CJsamohT0.6146356. Toral, Janette (2007). “Philippine Internet Demographics 2007.” http://www.digitalfilipino.com/ecommerce_article.cfm?id=57. Torres, William (2006). Podcast ng panayam para sa EDSA 20/20 ng Philippine Center for Investigative Journalism. http://pcij.org/edsa20/edsa20-20.html. Universal McCann (2008, Marso) “Power To The People: Social Media Tracker, Wave3.” Villafania, Alexander F. (2004, 28 Marso 2008) “Looking back at 10 years of Internet in the Philippines.” Philippine Daily Inquirer. http://ruby.inquirer.net/adv/dekada/. Villan, Vicente (2007, 20 Nobyembre). Panayam. __________ (2008, 24 Agosto). Panayam.

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 21

Wikimedia Foundation (2007, Disyembre 10). “Wikipedia: About.” Wikipedia: The Free Encyclopedia. http://en.wikipedia.org/ wiki/Wikipedia:About. Yazon, Giovanni Paolo (2007, 31 Marso). “Social networking to the higher level.” Manila Standard Today. http://www.manilastandardtoday.com/?page=goodLife6_mar31_2007 Young, Jeffrey (2006, 12 Hunyo), “Wikipedia Founder Discourages Cademic Use of His Creation.” The Wired Campus. http://chronicle. com/wiredcampus/ article/1328/ wikipedia- founder-discoura ges-academic- use-of-his- creation. Yuga (2006, 6 January). “5 Million Filipino Friendster users?” http://www.yugatech.com/blog/the-internet/5-million-filipino-friendster-users/. LIBOG ni Salazar??? i Binasa sa Ika-17 na Pambansang Kumperensya ng UP LIKAS na may temang “Makabagong Umalohokan: Ugnayan ng Kasaysayan at Mass Media,” umaga ng ika-27 ng Agosto, 2008, NISMED Auditorium, UP Diliman, Lungsod Quezon. ii Makikita rin sa Chua 2007a. iii Dinalumat sa tulong ni Dr. Zeus A. Salazar. Unang pinag-usapan ng may-akda at ni Dr. Salazar noong ika-20 ng Abril, 2007 sa kumperensya ng Bagong Kasaysayan (BAKAS) sa San Beda College sa Maynila, at muling tinalakay noong ika-26 ng Abril 2007 sa kanyang tahanan sa Loyola Heights, Lungsod Quezon. Ang dalumat ng Kapanahong Kasaysayan ay unang ginamit ng may-akda sa kanyang papel na “Ang Ating Panahon: Ang Bayan Mula Pagkabansang Republika Hanggang Kapangyarihang Bayan (1946-kasalukuyan)” (Binigkas sa CHED - UP Departamento ng Kasaysayan Seminar-Workshop sa Kasaysayan ng Bayan sa College of the Immaculate Conception sa Lungsod ng Cabanatuan noong umaga ng ika-4 ng Mayo 2007), http://michaelxiaochua.multiply.com/journal/item/73. iv May pagkakahalintulad sa paglalarawan ng Hudyong iskolar na si Yehuda Bauer, “contemporary history should not be considered a separate branch of knowledge, but simply a branch of the historical discipline with specific problems” (Bauer 1976, 333). v Maaaring sangguniin bilang panimulang pag-aaral ng mga Griyegong historyador ang Finley 1960. vi Ang salitang “bahay-dagitab” ay una kong ginamit sa opisyal na sayt ng Bagong Kasaysayan na aking pinamamahalaan. Nakuha ko ang ideya sa mga pinapadalang sulat sa akin ni Prop. Estelita Valdeavilla-Llanita ng La Salle Green Hills sa e-mail, kung saan sinasalin niya ang salitang ito bilang sulat-dagitab. Naisip kong maaaring alternatibong katawagan ito sa websayt na maituturing na isang tahanang binibisita at naglalaman ng impormasyon at kalooban. May iilan na ring gumagamit nito sa internet. Ang salitang “Dagitab” ay isang katagang ginamit para sa kuryente. vii Unang lumabas Chua 2008. viii Para kay Ivana, Salamat… Si G. Michael Charleston B. Chua ang Pangalawang Pangulo ng Philippine Historical Association, at nagtuturo ng Kasaysayan sa Unibersidad ng De La Salle Maynila. Siya ang tagapagtatag at naging webmaster ng Bagong Kasaysayan, Inc. (http://bagongkasaysayan.multiply.com) na kasalukuyang nagtatapos ng kanyang masterado sa Departamento ng Kasaysayan, Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Dito rin siya nagtapos ng kanyang BA sa Kasaysayan (2005) at matapos noon ay nagturo ditto ng tatlong taon (2005-2008). Kasamang awtor ng Mga Dakilang Tarlakin (2007) at ng Kaalaman at Pamamaraan sa Pagtuturo ng Kasaysayan (UP LIKAS, 2008). Sa kanyang pagiging aktibong webmaster ng ilang bahay-

BORADOR Chua / Kasaysayan ng Cyberspace, Kasaysayan sa Cyberspace 22

dagitab na pangkasaysayan, ginawaran siya ng parangal na Wikipinoy of the Year 2007 para sa Kasaysayan (makikita ang kanyang pangunahing blog sa http://michaelxiaochua.multiply.com). Kasapi rin siya ng Bagong Kasaysayan (BAKAS), Inc., Asosasyon ng mga Dalubhasa, May Hilig at Interes sa Kasaysayan (ADHIKA) ng Pilipinas, Inc. at UP Lipunang Pangkasaysayan (UP LIKAS). Kasaping tagapagtatag ng Bahay Saliksikan ng Tarlakin (BaTak). Nakapagsalita na tungkol sa iba’t ibang paksa sa iba’t ibang dako at nakapanayam na rin ng ilang beses sa lokal at pambansang telebisyon. Ilan sa kanyang mga interes sa pananaliksik ay yaong ukol sa Kulturang Bayan/Popular, kamalayang pangkasaysayan sa Cyberspace, Himagsikan at Kapanahong Kasaysayan ng Pilipinas, lalung-lalo na ang tungkol sa mga taon ng Pang. Ferdinand E. Marcos. [Maaaring maabot ang may-akda sa e-mail na [email protected] at bahay-dagitab na http://michaelxiaochua.multiply.com/ at http://balanghay. multiply.com].